MAY namataang lava flow sa Bulkang Mayon kahapon ng umaga.
Ito ang kinompirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) makaraan makakita nang dumadausdus na materyal sa dalisdis ng bulkan mula sa tuktok nito.
Sa press briefing makaraan ang aerial validation sa bulkan, kinompirma ni Phivolcs resident volcanologist Ed Laguerta, nagkaroon ng “short and sluggish lava flow” sa bulkan.
Habang sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum, namataan ang “parang umuusok at mapulang bato” o maikling lava flow sa eastern side ng Bonga Gully.
Umaabot aniya ito sa 350 metro mula sa summit sa isinagawang kalkulasyon. “Very slow” ang pagkilos ng lava sa ngayon.
Dagdag ni Solidum, pahiwatig ito ng “renewed activity” sa pinakatuktok ng Mayon na umabot na ang panibagong batch ng magma.
Dagdag ni Laguerta, nasa “quiet eruption” ang Mayon ngayon.
Samantala, ‘soft eruption’ ang naging pagtaya ni Governor Joey Salceda makaraan mag-aerial validation sa bulkan kahapon ng umaga..
Paliwanag ni Solidum: “eruption naman na ang paglabas ng lava pero hindi iyan ‘yung explosive.”
Hindi anila ginagamit ang ‘soft eruption’ na termino. Ang nangyari aniya ay maituturing na “non-explosive (eruption) meaning there is only the quiet effusion o extrusion of lava from the summit.”
Isa ang lava flow sa ‘parameters’ na tinututukan ng Phivolcs, bukod sa crater glow, na mga tandang papunta na sa pagputok ang bulkan.
Ngunit pagtiyak ni Solidum, wala pang rason para itaas sa alert level 4 ang Mayon ngunit posibleng mangyari ito sa mga susunod na araw o linggo.
MALAKAS NA PAGSABOG INAASAHAN – PHIVOLCS
NAGA CITY- Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa mga residente sa lalawigan ng Albay hinggil sa nagpapatuloy na soft eruption ng Mayon volcano.
Ayon kay Phivolcs Dir. Renato Solidum, nagkaroon ng renewed activity ang Bulkan.
Senyales aniya ito na nagpapatuloy ang abnormalidad ng bulkan kaya mas kailangan nang dobleng pag-iingat.
Dapat aniyang huwag nang pumasok pa sa 6 kilometer permanent danger zone dahil posibleng sa mga susunod na araw o linggo ang tuluyang pagputok nito.
Magugunitang pasado 5 a.m. kahapon nang magsimula ang paglabas ng lava sa southeast side ng nasabing bulkan.
Sa kabila nito, sinabi ni Solidum, nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang bulkan at maitataas lamang ito sa Alert level 4 kung magkakaroon nang mas malakas na pressure sa loob ng bulkan na makikita ng kanilang mga ginagamit na instrumento.
Babala ni Solidum, ngayon ang panahon upang mahigpit na sundin ang mga paalala ng lokal na pamahalaan at ng kanilang ahensiya upang manatiling ligtas ang mga mamamayan.
EVACUEES ‘DI PA MABIBISITA NI PNOY
HINDI matiyak ng Palasyo kung kailan mabibisita ni Pangulong Benigno Aquino III ang lumikas na mga residente sa paligid nang nag-aalburutong Mayon Volcano, ngunit sama-samang pinuntahan ng mga miyembro ng kanyang gabinete ang evacuees kahapon.
“Habang nag-uusap po tayo ngayon ay nakatakdang dumalaw doon sina Kalihim Mar Roxas, Dinky Soliman, Enrique Ona, Voltaire Gazmin, at retired Admiral Alexander Pama na executive director ng NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) para po subaybayan ‘yung aktwal na sitwasyon sa mga evacuation center at
tiyakin ‘yung katapatan ng pagtulong na iginagawad sa lalawigan ng Albay,” pahayag kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr.
Kasama sa naturang grupo si Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Batay sa pinakahuling ulat ng NDRRMC, umiiral ang Alert Level 3 sa Mount Mayon na ang ibig sabihin ay : “that magma is at the center of the volcano and that hazardous eruption is possible within weeks.”
“Ayon pa sa NDRRMC, mayroong kabuuang 12,931 pamilya involving 57,633 persons na apektado ng sitwasyong ito sa 40 barangay sa dalawang siyudad at limang munisipalidad sa probinsiya ng Albay. Ang mga apektado ay kasalukyang nasa 48 evacuation centers,” sabi pa ni Coloma.
Umabot na aniya sa P88.7-M halaga ng assistance ang naipamahagi sa Albay ng DSWD ,Office of Civil Defense, DoH, AFP, PhilHealth, Department of Education, (Philippine National) Red Cross, NGOs (non-government organizations), at government organizations.
(ROSE NOVENARIO)