ni Ed de Leon
NAIHATID na sa huling hantungan ang nanay ni Cherry Pie Picache. Na-cremate na ang labi ng pinaslang na matanda noong isang araw. Samantala hindi pa rin nadadampot ang mga suspect sa pamamaslang sa kanya. Nakita ang mga magnanakaw habang papalabas sa kanyang bahay sa pamamagitan ng CCTV ng barangay, pero hindi rin naman masyadong makilala at saka malabo rin dahil napakalakas nga ng ulan noon. Kasagsagan iyon ng bagyong Mario.
Pero may solusyon diyan eh, mayroong mga kompanya na nakagagawang palinawin ang malalabong video na kuha ng mga CCTV. Madilim man, napapaliwanag nila ang bahagi ng mukha para makilala ang mga iyon. Kung magagawa iyon at tapos maipo-post sa social media, maipakikita sa TV at mapakikiusapan nila ang mga diyaryo na ilabas iyan, imposibleng walang makakakilala sa mga killer na iyon.
Kaso mukhang hindi ganoon ang treatment ng gobyerno sa kaso. Parang sa kanila, isang simpleng kaso lamang iyan ng robbery na may kasamang murder na masyadong madalas na ngang mangyari. Hindi kagaya niyong kaso ni Vhong Navarro, palibhasa sikat mabilis na nakuha ng NBI ang CCTV footage at mismong si Secretary Leila de Lima pa ang naglabas niyon sa publiko. Eh ito murder pa ang kaso. Artista rin naman ang anak ng biktima. Bakit kaya hindi nakialam si Secretary de Lima?
Naniniwala kami na mas mabigat na kaso iyan. Isipin ninyo, iyong matanda pinaslang sa mismong loob ng bahay niya. Napakasamang image niyon para sa Pilipinas. Dito pala maski na sa loob ng bahay mo delikado ka. At ang masakit, lumalabas na parang walang magawa dahil malabo ang kuha ng CCTV. May magagawa nga para palinawin ang kuha ng CCTV, bakit hindi ginagawa?
Ang susunod na tanong, bakit doon sa kaso ni Vhong, hindi lang pulis kundi NBI agad ang kumilos. Si Secretary de Lima aktibo sa kasong iyon. Bakit ngayon parang wala silang pakialam at pinabayaan na lang nila ang kaso sa mga pulis? Ano ba ang mas seryosong kaso, iyong pinaslang o iyong binugbog lang?