TINIYAK ng Palasyo na tatanggap ng ayuda mula sa gobyerno ang pamilya ng 11-anyos pandesal vendor na biktima ng holdaper sa Caloocan City.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., isasali sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang pamilya ng pandesal vendor upang matulungan sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Isasailalim din aniya sa psychosocial debriefing ang bata dahil sa naranasan niyang trauma nang mabiktima ng holdaper.
Wala aniyang tuition sa public elementary hanggang high school kaya sakaling nag-aaral ang bata ay walang gagastusin, bukod dito ay makatatanggap ang kanyang pamilya ng cash alinsunod sa component ng 4Ps.
Walang binanggit ang Palasyo kung bibigyan ng trabaho ang mga magulang ng bata para hindi na maging child laborer.
Naging viral ang video ng bata na umiiyak at nanginginig sa takot makaraan maholdap nitong Biyernes.
Tinangay ng hindi nakilalang suspek ang P200 na kinita ng biktima sa pagtitinda ng pandesal.
Hindi pa nadarakip mga awtoridad ang nasabing holdaper. (ROSE NOVENARIO)