ILANG buwan na ang nakararaan nang maisulat natin ang napakalinis at napakaayos na Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 4.
Maliit nga lang ang Terminal 4 pero makikita sa kapaligiran ang kalinisan at kaayusan.
At kapag ganito ang isang estruktura o opisina, alam natin na mayroong maayos na namumuno.
Naikompara pa nga natin noon ang Terminal 2 na talaga namang para nang napabayaan mula sa projection na ito ang magiging alaala ng ika-100 taon kalayaan natin mula sa mga mananakop.
Kaya nga tinawag na NAIA Centennial Terminal ‘yan.
Pero habang lumalaon, ang Centennial Terminal nga ay literal na napabayaan.
Kung ikokompara sa Terminal 1 ang Terminal 2, parang halos magkasabay lang ang dilapidasyon gayong malaki ang agwat ng pagkakagawa sa dalawang terminal.
Ipinaabot natin sa kaalaman ni Atty. Cecilio Bobila, NAIA terminal 2 manager (noon) sa kolum na ito ang nakahihiyang itsura sa ganitong paglalarawan … “tumutulong kisame na sinasahod ng timba at flower pot, kapag umuulan tiyak na ika’y mababasa at madudulas pa… hindi ko maintindihan kung bakit ang tawag sa ganito ay international airport …”
Idagdag pa riyan ang nakahihiyang mahabang pila at maantot na male & female comfort room sa departure pre-boarding area.
Ngayon po, gusto kong ibalita sa inyo at ipagpasalamat na hindi na po si Atty. Bobila ang terminal manager kundi ang NAIA terminal 4 manager na si Engr. Gonzales na.
Good riddance Atty. Bobila!
Good news na good news po ‘yan.
Nakita natin kung paano pangalagaan ni Engr. Gonzales ang terminal 4, kaya inaasahan natin na gagawin rin niya ‘yan sa Terminal 2.
Iba talaga kung engineer at hindi abogado ang manager ng isang airport terminal, ‘di ba?!
Mabuhay ka Engr. Gonzales and keep up the good work!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com