Wednesday , December 25 2024

Disbarment case na naman inihain laban kay Comelec chairman Sixto Brillantes, Jr.

00 Bulabugin jerry yap jsySINAMPAHAN na naman ng disbarment complaint sa Korte Suprema si Commission on Elections (Comelec) chairman Sixtong ‘este Sixto Brillantes, Jr.

Nagsampa ng reklamo si Aliaga, Nueva Ecija Mayor Reynaldo Ordanes na naggiit na nilabag (madalas na nyang ginagawa!?) ni Brillantes ang lawyer’s oath.

Si Ordanes ay kumandidato noong May 2013 elections at sa canvassing ay lumabas na nanalo ang kanyang kalaban na si Elizabeth Vargas.

Naghain ng petition for recounts si Ordanes dahil sa kaduda-dudang resulta sa labintatlong (13) presinto at noong nakaraang Mayo 28, lumabas na nakakuha siya ng 11,416 boto kontra sa 11,405 boto ni Vargas.

Pinagbigyan ng korte ang motion for execution pending appeal ni Ordanes at nagsampa naman ng notice of appeal si Vargas na nai-raffle sa Comelec 2nd Division na pinamumunuan ni Commissioner Elias Yusoph.

Hmmnnn parang amoy 3-million division na naman ‘yan ha!?

Noong Hulyo 1, naghain ng petisyon si Vargas na hinihiling na mapawalang-bisa ang utos ng Korte na pumabor kay Ordanes at humingi rin ng temporary restraining order (TRO).

Hindi naglabas ng TRO ang 3 million division ‘este mali Comelec 2nd division at nag-official leave si Yusoph noong July 14- July 29 kasunod ng pagbuo ni Brillantes ng special 2nd division na siya ang umaktong presiding chair.

Mismo si Chairman Brillantes!

Agad nagpalabas si Brillantes ng 60-day TRO pabor kay Vargas nang hindi kinonsulta ang mga miyembro ng dibisyon.

Noong Setyember 15, ibinasura ng 2nd Division sa pamumuno ni Yusoph ang petisyon ni Vargas na naghain ng motion for reconsideration (MR) noong Setyember 23.

Kinabukasan, nagpalabas si Brillantes ng status quo ante order pabor muli kay Vargas nang walang konsultasyon sa en banc at ito ay laban sa 2nd division.

Mantakin ninyo kung makapagdesisyon si six-tong ‘este Sixto Brillantes solo-solo lang. Parang siya na ang batas na dapat sundin sa Kumolek ‘este Comelec?!

Umapela na lang kayo kung hindi kayo kombinsido sa desisyon n’ya parang gano’n lang.

Pero ayon kay Ordanes, alam na alam sa kanilang bayan na si Brillantes ay abogago ‘este abogado ng pamilya Vargas bago naupo bilang pinuno ng Comelec.

Kaya ang dalawang kautusan ni Brillantes ay malinaw na may nakitang pagpabor kay Vargas kaya’t bukod sa complaint of disbarment ay naghain din sila ng reklamo sa Ombudsman ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Iginiit ni Ordanes na ang pagpapalabas ni Brillantes ng pangalawang TRO ay gross ignorance of the law dahil aniya nagtapos ang TRO na walang extension o renewal.

Ang siste, dalawa ngayon ang Mayor sa Aliaga, Nueva Ecija at ‘yan ay dahil sa ‘matalinong’ desisyon ni Brillantes (mag-isa).

Pang-ilang disbarment case na ba ‘yan laban kay Brillantes?!

Mukhang namumuro na ang chairman ng 3-M division este Comelec …

Aba’y ingat ingat ka naman Tata Sixto… malapit ka nang mamahinga ‘este magretiro… gusto mo ba na puro hearing ng kaso ang haharapin mo pagkatapos magretiro?

Mauubos ang naipon mo n’yan Sir?!

Tsk tsk tsk…

BABALA: MAG-INGAT SA CINDERELLA GANG SA QUIRINO AVENUE MANILA

ITO po ay babala sa lahat ng motorista lalo na ‘yung ang mga babae at nagmamaneho ng sports utility vehicle (SUV).

Kung kayo po ay nasa Quirino Avenue lalo na kung patungong Roxas Blvd., mag-ingat kayo sa mga nagpapanggap na matandang babae na biglang sasalubong sa sasakyan at saka biglang matutumba na parang nahagip ng sasakyan ninyo.

Ganito po ang nangyari sa isang kabigan nating babae.

‘Yun nga po, nang matumba ‘yung matandang babae biglang may sumulpot na isang matandang lalaki na asawa umano. Tapos maya-maya pa, bigla rin sumulpot ang isang pulis kuno na nakasibilyan.

Magtatanong kunwari, ano nangyari d’yan tapos sabay sabing dalhin agad sa Ospital ng Maynila (OsMa) ‘yung nabangga kasi ‘yun ang malapit.

Pagdating sa ospital, ipapasok sa loob at hindi na palalabasin kasi masama raw ang pagkakabangga.

Hindi rin papasukin ‘yung nakabangga at hindi ipapakita ang resulta ng medical report, ang pumapagitna lang ay ‘yung kasabwat nilang gagong pulis na nakasibilyan.

Tapos maya-maya, mag-aalok na ng areglo, P50 mil daw para hindi na dalhin sa presinto ang driver at pang-ayos sa nabangga ‘kuno.’ Magbibigay pa kunwari ng tawad na hanggang P30 mil na areglo ‘yung pulis.

So ang ginawa no‘ng kaibigan natin babae ay tinawagan na ang husband niya na isang pulis rin na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Eto na, nang dumating ‘yung husband ng kaibigan natin, at natunugan nilang pulis din ay biglang naglahong parang bula ‘yung pulis kuno at ‘yung mga nabangga kunwari.

Sonabagan!!!

Ang galing ng modus operandi ‘di ba?

Lumalabas ang CINDERELLA GANG mula 11:00 ng gabi hanggang 2:00 ng madaling araw.

Ingat-ingat po kayo sa kalsadang ‘yan at marami na raw nabibiktima ang tropang ‘yan.

Malapit lang ito sa presinto ng Manila Police District Malate Station (PS-9).

P/Supt. Romeo Odrada, galaw-galaw kapag may time para hindi ma-stroke!

NAIA T2 HAS A NEW COMPETENT MANAGER

ILANG buwan na ang nakararaan nang maisulat natin ang napakalinis at napakaayos na Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 4.

Maliit nga lang ang Terminal 4 pero makikita sa kapaligiran ang kalinisan at kaayusan.

At kapag ganito ang isang estruktura o opisina, alam natin na mayroong maayos na namumuno.

Naikompara pa nga natin noon ang Terminal 2 na talaga namang para nang napabayaan mula sa projection na ito ang magiging alaala ng ika-100 taon kalayaan natin mula sa mga mananakop.

Kaya nga tinawag na NAIA Centennial Terminal ‘yan.

Pero habang lumalaon, ang Centennial Terminal nga ay literal na napabayaan.

Kung ikokompara sa Terminal 1 ang Terminal 2, parang halos magkasabay lang ang dilapidasyon gayong malaki ang agwat ng pagkakagawa sa dalawang terminal.

Ipinaabot natin sa kaalaman ni Atty. Cecilio Bobila, NAIA terminal 2 manager (noon) sa kolum na ito ang nakahihiyang itsura sa ganitong paglalarawan … “tumutulong kisame na sinasahod ng timba at flower pot, kapag umuulan tiyak na ika’y mababasa at madudulas pa… hindi ko maintindihan kung bakit ang tawag sa ganito ay international airport …”

Idagdag pa riyan ang nakahihiyang mahabang pila at maantot na male & female comfort room sa departure pre-boarding area.

Ngayon po, gusto kong ibalita sa inyo at ipagpasalamat na hindi na po si Atty. Bobila ang terminal manager kundi ang NAIA terminal 4 manager na si Engr. Gonzales na.

Good riddance Atty. Bobila!

Good news na good news po ‘yan.

Nakita natin kung paano pangalagaan ni Engr. Gonzales ang terminal 4, kaya inaasahan natin na gagawin rin niya ‘yan sa Terminal 2.

Iba talaga kung engineer at hindi abogado ang manager ng isang airport terminal, ‘di ba?!

Mabuhay ka Engr. Gonzales and keep up the good work!

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

 

About hataw tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *