ni Ed de Leon
NAGTATAKA nga ba si Charice Pempengco kung bakit parang hindi siya suportado ng kanyang mga kababayan sa kabila ng mga naabot niyang accomplishments sa kanyang career sa abroad? Kasi nagtatanong siya ng ganyan sa kanyang social media account, at napag-uusapan na ang kanyang mga sentimyento.
Una, dapat nga sigurong balikan ni Charice ang nakaraan. Sinasabing hindi naman siya sa Pilipinas sumikat talaga kundi sa abroad. Doon sa mga una niyang publisidad, para ngang ina-alienate na niya ang sarili niya dahil ang binibigyan niya ng kredito sa kanyang pagsikat ay si Ophra. Hindi naman niya sinabing may fans siya sa Pilipinas.
Gayunman, alam naman ninyo ang mga Filipino, ipinagyayabang din nila ang oras na may kababayan silang nagkaroon ng pangalan sa abroad, pero siguro talagang taliwas iyong personality ni Charice roon sa mga talagang sumisikat na mga artista sa Pilipinas. Noong araw, marami ang nagtatawa sa kanyang “little girl look”, lalo na nga iyong malalaki niyang eye glasses na halos tumakip na sa buong mukha niya.
Nito namang nagbago na siya ng ayos, at inamin na niyang tomboy nga siya, ang ginawa naman niya ay “maton look”. Chapat ang gupit ng kanyang buhok at mayroon pang mga tattoo. Rito sa Pilipinas, ang mga sumisikat na babaeng singer, ang dating ay parang isang diva. Wala pa naman talagang sumikat dito na ang dating ay tibo.
Iyon din namang kontrobersiya niya at ng kanyang pamilya, simula noong aminin niyang siya ay tibo at may karelasyon na nga, nakabawas din iyon sa kanyang popularidad. Alam naman ninyo ang mga Pinoy, maka-pamilya, lalo na nga sa mga ina. Hindi iyon ang nakita sa kanya, kaya natural lang naman siguro na may mga umayaw sa kanya.
Ang problema ni Charice, hindi siya naka-adopt talaga sa kultura at kaugaliang Pinoy, kaya ganyan ang nangyayari sa kanya sa sarili niyang bayan. Siya ang dapat makibagay sa masa kung gusto niyang sumikat talaga. Hindi puwedeng ang masa ang makibagay sa kanya.