TINATAWAGAN natin ng pansin ang top management ng CHERRY MOBILE .
Isa pong kaibigan natin ang nagreklamo tungkol sa hindi magandang serbisyo ng service center ng Cherry Mobile na matatagpuan sa Roxas Blvd sa tapat ng US Embassy.
Ayon sa sumbong ng ating kaibigan, bumili siya ng dalawang unit ng TABLET sa isang outlet ng Cherry Mobile . At ilang linggo lang nilang nagamit ang isa sa tablet ay nagkaroon ito ng aberya. Dito pumasok ang sakit ng ulo ng ating kaibigan.
Cover pa naman ng warranty/guarantee kaya ipinagawa nila ito sa service center ng Cherry Mobile sa Roxas Blvd. Sa unang transaksiyon nila ay pinababalik sila after one week para umano’y magawan ng paraan ang sira ng unit. Pero lumipas ang isang linggo ay hindi nagawa ang kanilang tablet. Dito sila simulang magpabalik-balik sa nasabing service center na hindi naman nagagawa ang kanilang unit.
Aba’y pagod na itong kaibigan natin sa pabalik-balik na wala namang nangyayari at talaga namang sayang ang panahon at perang ginagamit nila sa pamasahe para lang makarating sa walang kakuwenta-kuwentang service center ng Cherry Mobile . Kaya kinuha na lang nila ang contact number ng service center para mag-follow up.
Pero anak ng kabron! Tinangkang tawagan ng kaibigan natin ang tolongges na service center pero parating busy ang linya at mag-ring man, walang sumasagot.
Tinatawagan natin ng pansin ang pamunuan ng Cherry Mobile, aba’y baka hindi ninyo alam ang pinaggagagawa ng service center na ito? Tingin natin, kayo ang nasisira sa kagaguhan nila.
***
Sa pamamagitan din ng kolum na ito ay ipinararating natin sa kinauukulan ang isa pang kagaguhan naman nitong driver ng truck ng basura na humahakot sa Barangay 374, Zone 38.
Ayon sa nagrereklamong opisyal ng barangay 374, aba’y daan-daanan lang sila ng truck na dati nang kumukuha ng basura sa kanila. Parang iniisnab na ang kanilang barangay.
Akala nga nila hindi na ito kumukuha sa kanilang barangay ng basura at iba na ang nakatalaga, pero marami ang nakakakita na dumadampot pa rin ito ng basura sa kabilang katabing barangay.
Hinala ng ilang residente doon, partikular na ang street sweeper ng nasabing barangay, kaya hindi na kumukuha ng basura ang nasabing truck ay dahil hindi na raw nila nabibigyan ng pang-yosi at pangmeryenda ang triver ng truck. Katunayan ay sa kanya humihingi ang driver.
Ang number po ng truck ng basura ay 42. FYI!
***
Minsan nating naisulat sa kolum na ito ang kabayanihan ng isang police woman na nagngangalang PO1 Mildred Jamito.
Aba’y talaga namang “going places” ang matapang at iginagalang na babaing pulis.
Dahil sa respetado si PO1 Jamito kung pag-uusapan ay ang tunay na serbisyo publiko, siya agad ang naisip ng isang suspect sa robbery with homicide nang makunsensiya itong sumuko sa kinauukulan.
Ang suspect na nangangalang Gerald Aldaya ay kinasuhan ng robbery with homicide base na rin sa nakuhang footage ng cctv ng Barangay 316 sa Fugoso St., Sta. Cruz, Manila.
Isang saludo ng paghanga ang ipinararating ng ating kolum kay PO1 Jamito.
Alex L. Cruz