ni Ed De leon
PARA namang napakalaking issue kung inamin man ni Matteo Guidicelli na wala siyang sex life. Nabuksan kasi iyan sa question and answer noong press conference ng pelikula nilang Moron 5.2.
Oo nga at 24 na rin naman si Matteo, pero ibig bang sabihin basta nasa ganoong edad na kailangang magkaroon na ng sex life? Nakalimutan na ba nila na si Matteo, bago pa man napasok sa showbusiness ay isang sportsman, at natural lang sa mga lalaking may sports na umiwas sa ganyan. Kasi narooon ang paniniwala na iyan na may epekto sa kanilang performance bilang athletes.
Noong nasa car racing lang si Matteo. Ngayon mas matindi ang kanyang ginagawa dahil sumasali siya sa triathlon. Isa pa, iyon ba namang mga ganoong bagay kung sakali ay kailangang pag-usapan sa publiko? Sino mang disenteng lalaki na hindi ipagkakalat kung ano man ang kanyang karanasan. Ang mga nagkukuwento lang naman tungkol sa kanilang sex life ay iyong mga bold star, dahil siguro kailangan nga nilang patunayan kung ano ang maaari nilang gawin. Pero hindi naman bold star si Matteo, isa siyang matinee idol, dapat nga niyang mapanatili ang kanyang malinis na image.
Bilang isang matinee idol, mas hahangaan siya ng fans kung malinis ang kanyang image, at sa kanyang edad, hindi naman siya dapat gumaya sa ibang mga desperado na mapag-usapan lang ay kung ano-ano ang sinasabi.
Isa pa, hindi rin naman bagay sa kanilang project ang mga usapang ganoon, dahil comedy picture naman ang kanilang ginawa, at sinasabi nga nilang malinis na comedy naman iyon. Wala namang sex sa pelikula kaya bakit pag-uusapan ang sex life?
In fact, naniniwala kaming tama ang ginawa ni Matteo na hindi niya pinatulan ang mga ganoong usapan. Kung ano man talaga ang estado ng kanyang buhay, sa kanya na lang iyon at walang may pakialam ano man ang gusto niyang gawin sa sarili niya.
Pumatay at kumuha ng pera sa ina ni Cherry Pie, pinaghahanap pa
NAGPAHAYAG ng kasiyahan si Cherry Pie Picache sa pagkakahuli sa unang suspect sa pagpatay at pagnanakaw sa kanyang ina. Pero iyong nahuling suspect ay isa lamang sa mga kasabwat. Sinasabi nga niyang ang naging partisipasyon lang niya sa krimen ay siya ang nagbukas ng pinto para makapasok ang kanyang mga kasamahan at siya ang nagbigay ng kutsilyo sa isa pang suspect na kinilala rin niya at sinasabing siyang pumatay sa nanay ni Cherie Pie.
Sinasabi ng mga imbestigador na sa estimate nila ay nasa kalahating milyong piso ang halaga ng lahat ng ninakaw na cash at mga mamahaling gamit kabilang na ang mga alahas nang patayin ang matanda sa kasagsagan ng bagyong Mario.
Kung sinasabi ng naunang suspect na nahuli na ang naging parte niya ay tatlong relo lamang, sino ang mga criminal na nakakuha ng mas malaki at siya pang pumatay sa biktima? Ngayong nahuli na ang isa sa kanila, palagay namin kasunod nang mahuhuli ang mga higit na responsable sa krimeng iyon.
Ang nagpabigat lang sa kaso ng suspect na si Flores, pinagtiwalaan siya dahil nagtrabaho siya sa bahay niyong matanda at iyon ang higit na nagpabigat sa kanyang kaso. Sayang wala ng death penalty.