NAGBITIW na bilang head coach ng Emilio Aguinaldo College men’s basketball team ng NCAA ang dating PBA point guard na si Gerry Esplana.
Ayon kay Esplana, napahiya siya sa kanyang sarili dahil sa palpak na kampanya ng Generals ngayong Season 90 kung saan apat na panalo lang ang naitala nila sa eliminations at tabla sila sa ilalim kasama ang Mapua Institute of Technology.
Lalong nadungisan ang kampanya ng EAC at Mapua nang nagkarambulan ang mga manlalaro ng dalawang kolehiyo noong isang buwan na nagresulta sa maraming suspensiyong ipinataw ng NCAA.
Bukod dito ay nagkaproblema sa allowances ang mga manlalaro ni Esplana kaya napilitang umalis sa koponan sina Igee King at Cedric Noube Happi.
“After magandang season last year, ang expectation ko mas maganda, pero ganito nga nangyari this season,” wika ni Esplana. “Bilang coach, kailangan tanggapin mo lahat.”
Inirekomenda ni Esplana ang kanyang assistant coach at dati ring PBA player na si Andy de Guzman bilang kapalit niya.
Si Esplana ay naging PBA Rookie of the Year noong 1990 at naglaro siya para sa Presto, Sta. Lucia at Shell bago niya hinawakan ang EAC simula noong 2010 kapalit ni Nomar Isla.
“Hopefully kung magiging coach si Andy, walang nang maging adjustment at capable naman siya na dalhin sa pangarap na umabot sa Final Four yung team,” ani Esplana na nagsisilbi ngayon bilang pinuno ng sports development program sa Valenzuela City kung saan konsehal ang kanyang asawang si Jenny. (James Ty III)