Napagkasunduan nina Jobert at Loi na pakakasal sila sa simbahan noong Disyembre 12, 2012. Triple happiness kasi ang pakahulugan nila sa petsang 12-12-12. Ayon iyon sa sa isang feng shui counselor na kanilang sinanggunian.
“Swerte mo, ‘Dre, pero malas ni Loi,” ang pang-aalaska kay Jobert ni Iggy Boy, isa sa mga dabarkads na kasanggang-dikit niya.
“Pagsuotin mo ng helmet ang syota mo, ‘Dre, at baka matauhan pa,” tawa ng isa pa, si Boogie, ang joker sa kanilang tropa.
Tinawanan lang ni Jobert ang dalawang mapang-urot na kabarkada. Alam naman kasi niya na in-love na in-love sa kanya si Loi. At tiwalang-tiwala siyang hindi na makakakalas sa kanilang relasyon ang nobya niya.
“Hindi ba obvious na kulang na lang ay iposas na ako ni Loi?” pagyayabang niya sa dalawang kabarkada.
Napakunot-noo si Iggy.
“Pansin ko nga…” anitong napanganga.
“Ibig mong sabihin, e nakapag-advance deposit ka na kay Loi?” hinala ni Boogie.
Sa pagngisi-ngisi at pagliliyad ng dibdib ni Jobert ay parang “oo” na rin ang isinagot niya sa napatungangang mga kabarkada.
Mag-iisang taon nang mag-boyfriend-girlfriend sina Jobert at Loi. Anim na buwan pa bago araw ng kanilang pagpapakasal.
“Anak, nasa hustong edad at pag-iisip ka na… Wala kaming magagawa ng Mommy mo kung ‘yan talaga ang desisyon mo,” sabi ng Daddy Luisito ni Loi.
“Sa simula’t simula pa lang ay tutol na kami ng Daddy mo sa Jobert na ‘yan. At alam mo naman siguro ang dahilan, anak, di ba?” ang ibinukas na saloobin ni Mommy Nancy sa anak na dalaga.
Sa isang barangay lamang naninirahan ang pamilya nina Jobert at Loi. Alam nila ang likaw ng bituka ng kani-kanilang pamilya. At kilalang-kilala nila ang pagkatao ng isa’t isa.
“Okey lang sa amin ng Daddy mo kahit pobre ang mapangasawa mo, anak… Pero hindi ‘yun ang problema, e… Ang Jobert na ‘yun ay may bisyo,” ang binigyang-diin ng ina ni Loi.
“N-noon ‘yun, Mommy…Pero nagbago na po s’ya,” pagtatanggol ng dalaga sa pakakasalang nobyo.
“Sana nga, anak…” pagbubuntong-hininga ng ina.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia