IBANG klase na ngayon ang Philippine National Police (PNP)… kasi sa kabila ng ginagawang paglilinis ni PNP Chief, Director General Alan LM Purisima katulong ang ilan pang opisyal ay mayroon pa rin mga masasabing opisyal na nakikipagsabwatan sa syndicated criminals para mabuhay.
Oo nitong nagdaang buwan ay laglag ang PNP sa mata ng taumbayan dahil sa nangyaring hulidap con kidnapping sa EDSA, Mandaluyong.
Sangkot sa nakahihiyang ‘operasyon’ ang mga pulis sa QCPD La Loma Police Station 1.
Dahil sa kalokohan ng iilan, buong QCPD o PNP ang nadamay mula PO1 hanggang kay Chief PNP. Pero ano pa man, ipinakita ng PNP batay sa direktiba
ni Purisima na kanilang arestohin at kasuhan ang mga sangkot sa EDSA scandal.
Tinugon naman ito ng Eastern Police District kaya nalantad ang mga pulis hanggang maaresto at kasuhan.
Ang nangyari sa PNP ay nararanasan din natin bilang indibiduwal – iyong dahil sa isang kapalpakan o kapalpakan ng iba ay madadamay tayo at hindi na nakita ng marami ang mas maraming nagawa o ng malalaking accomplishment ng PNP.
Pero ang higit na masaklap ay mayroon ilan sa PNP mismo ang sinasamantala ang nangyari sa EDSA o ang kahinaan ng PNP ngayon. Sinasamantala sa pamamagitan ng pagpapalaki ng isyu para mas lalong masunog si Purisima at bagsakan ng lahat ng sisi… hanggang hilingin nang pagulungin ang ulo ni Purisima. ‘Yan ang ang nangyayari ngayon.
Isa sa tila kumakana ngayon kay PNP chief ay mga ‘sindikato’ sa Firearms and Explosive Office (FEO).
Nakasentro kasi ngayon ang kampanya ng PNP sa pagpupurga sa kumikilos na sindikato sa FEO. Usong-uso kasi ang pagpalulusot ng gun registration/license dito na pinagkakakitaan. Pwedeng-pwede pa nga rito ang hindi na kailangan pang pumunta sa FEO ang gun owner para magpalisensiya basta ang lahat ay if the price is right.
Dahil nakasentro sa ‘negosyo’ ang sindikato sa FEO, nakaligtaan nilang i-monitor ang mga unlicensed gun maging ng expired license na karamihan ay nasasangkot sa krimen.
Kaya minabuti ni Purisima na isentro ang paglilinis sa FEO na tila hindi matanggap ng sindikato ng FEO.
Isa sa solusyon ngayon ni Purisima laban sa mga nagpapalulusot ng baril. Nagpalabas siya ng “Oplan Katok.” Babahay-bahayin at kakatukin ang pintuan ng gun owners lalo na ‘yung paso na ang lisensya para paalalahanan sa renewal .
Bukod sa estilong ito na nasilip sa FEO, pinaimbestigahan din ni Purisima ang 1,004 AK-47 assault riffles na unaccounted sa talaan ng PNP. Natuklasang may anomalyang nangyari rito at inconsistencies sa libro ng FEO.
Dahil sa natuklasang ito ng PNP Chief, at ginagawang paglilinis sa FEO laban sa mga corrupt sa proseso ng gun permits, siya ngayon ay tinatrabaho naman para pabagsakin. Ginagamit ang kung ano-anong isyu laban kay Purisima.
Kaya hayun kanilang ipinasisibak si Purisima pero hindi sumusuko si Purisima. Tama lang si Purisima na putulan ng sungay ang sindikato sa FEO bago maging huli ang lahat o mabahiran ang lahat ng dibisyon ng PNP. Ibang usapan na kasi ‘yan pagpapalusot ng baril. Hindi laruan ang baril kundi karamihan sa ngayon ay ginagamit sa ‘pagkakakitaan.’
Kaya kapag naputulan na ng sungay ang mga damuho at mawawala na sa FEO, magiging maayos na ang lahat. Hindi naman si Chief PNP o ang PNP ang
makikinabang sa paglilinis kundi ang taong bayan.
‘Ika nga, ang direktang makinabang sa “Oplan Katok” kapag magtagumpay ay taumbayan.
Almar Danguilan