DETERMINADO si Pangulong Benigno Aquino III na tapusin ang kanyang termino hanggang 2016 at hindi magbibitiw dahil lamang sa panawagan ng isang maliit na sector.
Ito ang bwelta ng Palasyo sa panawagan ng National Transformation Council (NTC) na mag-resign na si Pangulong Aquino bunsod nang kawalan na anila ng “moral right” para pamunuan ang Filipinas.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., suportado at tiwala pa rin ang mayorya ng populasyon ng bansa kaya ipupursige pa rin ng Pangulo ang mga repormang isinasagawa para iangat ang antas ng kabuhayan ng mga mamamayan.
“Hindi po iyan ang sumasalamin sa opinyon ng mayorya ng ating mga mamamayan na patuloy na sumusuporta sa liderato ng ating Pangulo at patuloy na nagtitiwala sa kanyang pagiging lider ng ating bansa. Determinado po ang ating Pangulo na ipagpatuloy ang kanyang paglilingkod at ipatupad ang mga repormang ipinangako sa mga mamamayan. At sa amin pong palagay ay ang inyong ipinahayag ay isang bahagi lamang ng opinyon ng isang sector,” aniya pa.
Ang NTC ay isang pangkat ng religious leaders at civil society group na nanawagan sa kagyat na pagbaba sa pwesto ni Pangulong Aquino, at agad na pagbuo ng alternatibong gobyerno na bubuuin ng mga taong may integridad at kakayahan.
ni ROSE NOVENARIO