NAGBUO ng isang task force ang Palasyo para matiyak na magiging matagumpay ang pagdalaw sa bansa ni Pope Francis mula Enero 15 hanggang 19 sa susunod na taon.
Sa bisa ng Memorandum Circular No. 72, iniutos ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagtatag ng Papal Visit 2015-National Organizing Committee (PV-NOC) na mamahala sa preparasyon sa pagbisita ng Santo Papa, itinuturing na napakahalagang okasyon sa sambayanang Filipino.
“As instructed by President Aquino, all heads of the different government departments, local governments as well as the private sectors are encouraged to participate and coordinate all efforts to make sure that the visit of His Holiness in our country next year will be well organized and peaceful,” ayon kay Executive Secretary Paquito N. Ochoa Jr.
Ang PV-NOC ay pamumunuan ni Ochoa habang ang vice –chairman ay si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at ang mga miyembro ay sina Defense Secretary Voltaire Gazmin, Interior Secretary Mar Roxas, Public Works Secretary Rogelio Singson, Health Secretary Enrique Ona, Transportation Secretary Enrique Ona, Tourism Secretary Ramon Jimenez, Communications Secretary Herminio Coloma Jr., AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., PNP Chief Alan Purisima at MMDA Chairman Francis Tolentino.
Titiyakin ng PV-NOC na magiging maayos ang koordinasyon ng pamahalaan sa lahat ng sektor na sangkot sa papal visit, partikular sa Central Committee ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP); mapanatili ang peace and order at traffic management plan para sa pagbibiyahe ng mga tao at produkto habang nasa bansa ang Santo Papa.
Nakasaad din sa MC No. 72 ang pagtatayo ng dalawang local Executive Committees—EXECOM-Manila at EXECOM-Leyte—ang mga lugar na pupuntahan ni Pope Francis, ngunit ang bubuo sa mga ito’y pawang mga opisyal ng pambansang pamahalaan.
(ROSE NOVENARIO)