IKINATUWA ng foreign workers sa Saudi Arabia lalo na ng mga Filipino, ang limang-araw na bakasyon grande kasabay ng paggunita ng mga kapatid na Muslim sa Eid’l Adha sa Lunes, Oktubre 6.
Ayon kay Redentor Ricanor, ng Brgy. Puro, Caoayan, Ilocos Sur at nagtatrabaho sa Jeddah, Saudi Arabia, magsisimula ang kanilang bakasyon ngayong araw, Oktubre 4 hanggang Oktubre 8 at sila ay babayaran ng mga kompanya. Bukod dito, mayroong din mga kompanya na nagbibigay ng bonus dahil sa nasabing okasyon.
Aniya, kung panahon ng mga Muslim na manalangin nang tatlong beses sa isang araw, sila ay gugugulin ang limang araw na bakasyon sa pagpapahinga at pamamasyal kasama ang mga kapwa Filipino.
Bagama’t walang pasok ang karamihan ng mga kompanya sa nasabing bansa, bukas ang mga pamilihan at karaniwang dinarayo ng mga tao dahil malaki ang discount o sale sa iba’t ibang mga produkto. (HNT)