“KUMIKILOS tayo tungo sa mas malapit na ugnayan sa Filipinas.”
Ito ang naging pahayag sa wikang English ni Nigerian ambassador extraordinary at plenipotentiary Akinyemi Bamidele Farounbi sa pagdiriwang ng ika-54 na anibersaryo ng kalayaan ng Feredal Republic of Nigeria na isinagawa kamakailan sa Ramon Magsaysay Center sa Ermita, Maynila.
Nakasama ng ambassador sa pagdiriwang sina Nigerian – Philippines Chamber of Commerce president Darlington Orladele Odeshile at Balikatan chairman Louie Balbago.
Sa panayam matapos ang kanyang talumpati, idiniin ni Farounbi ang pagkakahintulad ng Nigeria sa Filipinas bilang mga bansa na parehong may matibay na paninindigan at adhikain para sa demokrasya at kalayaan.
“Panahon na para paigtingin ang relasyon sa pagitan ng Nigeria at ng Filipinas, partikular na sa relasyong pang-ekonomiya. Parehong may malaking merkado ang ating mga bansa para sa ating mga produkto—ang Filipinas ay mayroong hindi kukulangin sa 100 milyong populasyon habang ang aking bansa ay 170 milyon naman kaya may potensyal para magtulungan tayo sa isa’t isa,” punto ng ambassador.
Idinagdag na ang mga kaganapan sa mundo ay may pagtuon ng pansin ukol sa ekonomiya tungo sa Asya at Africa.
“Hindi na ito mapipigilan at ito ang makatutulong para mapaunlad ng ating mga bansa ang ating natural na yaman at makamit ang kaunlaran ng mas mabilis,” aniya.
Sinuportahan si Farounbi ni Odeshile na nagsabing ang kanyang asosasyon ay handang tumulong para maisakatuparan ang mas maigting na ugnayan sa pagitan ng Filipinas at Nigeria sa pamamagitan ng kapatiran at mananatiling matibay sa harap ng ano mang kalamidad o problemang politikal at ekonomikal.
“Patitibayin natin ang ating pagiging magkakapatid. Gagawin natin ito tulad ng nakasaad sa isang kasabihang Filipino na ang pagsasama ng tapat ay pagsasama ng maluwat,” kanyang idiniin. (TC)