KINONDENA ng mga mamamahayag sa Bulacan at Central Luzon ang ginawang panunutok ng baril ng bodyguard ni Vice-Governor Daniel Fernando sa isang TV reporter habang may isinasagawang dialogo sa isang restaurant sa Tabang, Guiguinto, Bulacan noong Oktubre 1.
Ang biktima ng panunutok ng baril ay si Rommel Ramos, local news reporter ng GMA 7 at interim chairman ng National Union of Journalist in the Philippines (NUJP), habang kinilala ang bodyguard ni VG Fernando na si Datsun Fulgar.
Pahayag ni Ramos, biglang bumunot ng baril, pinagsalitaan ng masasama at pinagbantaan siya habang may nagaganap na dialogo sa pagitan niya at ng bise-gobernador.
Nabatid, uminit ang ulo ni Fernando kay Ramos dahil sa mga ibinubulgar na mga isyu na naglalagay sa bise-gobernador sa pangit na sitwasyon.
Sinasabing lumala ang hidwaan ng dalawa kaya gumawa ng hakbang ang mga kasamahang media ni Ramos na magkaroon ng pagpupulong para maayos sila.
Pero sa halip magkaayos, dumating sa lugar si Fenando na tila nasa ‘fighting mood’ hanggang magsimula ng diyalogo.
Hindi naging matagumpay ang paghaharap ng dalawa dahil nagkainitan sila ng pag-uusap hanggang makialam ang bodyguard ni Fernando na humantong sa panunutok ng baril kay Ramos.
Walang nagawa si Ramos habang pinagsasalitaan ng kung ano-ano ni Fulgar na may kasamang pagbabanta.
Reklamo ni Ramos, imbes maging patas, ang bodyguard pa ang dinepensahan ni Fernando.
Samantala, mariin tinuligsa ng Alab ng mga Mamamahayag (ALAM) sa pangunguna ni National Chairman Jerry Yap ang hindi patas na trato ni Fernando sa nasabing insidente.
Ayon kay Yap, ang panunutok ng baril ng bodyguard ni Fernando ay pagpapakita ng kahandaang kumitil ng buhay.
Walang nakitang palatandaan, ang mga mamamahayag na sinuheto ni Fernando ang kanyang bodyguard.
(Micka Bautista)