Monday , December 23 2024

Tongpats, anomalya sa ospital at parking building kompirmado (Pamilya Binay ibinuking ng CoA!)

100314_FRONT

KINOMPIRMA ng Commission on Audit (CoA) na nagkaroon ng tongpats at iba pang tipo ng anomalya nang ipatayo ni Vice President Jejomar Binay at Mayor Junjun Binay ang kontrobersyal na Makati Parking Building.

Bukod dito, ibinunyag din ng CoA na nagkaroon ng tongpats na mahigit P61 milyon sa pagbili ng mga hospital equipment sa Ospital ng Makati sa panahon na Mayor ng Makati ang asawa ng Bise Presidente na si Dr. Elenita Binay.

Sa report ng CoA na isinumite sa Senate Blue Ribbon Committee, ibinunyag ng komisyon na kuwestiyonable ang paglalaan ng Makati City Government ng P793 milyon para sa Phase 4 at Phase 5 ng Parking Building dahil tapos na ang proyekto sa Phase 3 pa lamang.

Kaduda-duda rin umano ang P126-milyong diperensya sa halaga ng kontratang ibinigay ng Makati City Government sa Hillmarc’s Construction Corp. sa halaga ng kontrata na katanggap-tanggap sa CoA.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang CoA sa kontrobersyal na Makati Parking Building matapos mabuking sa Senado ang ilang kuwestiyonableng transaksyon na bumabalot sa nasabing proyekto.

Napilitan ang CoA na isapubliko ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa Makati Parking Building matapos sabihin ng mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee na karapatan ng mamamayan na malaman ang katotohanan.

Ipinaliwanag ni CoA Commissioner Jose Fabia na sumentro ang pauna nilang imbestigasyon sa proseso ng procurement para sa Parking Building pero hindi hihinto ang kanilang pag-uungkat sa iba pang anomalya sa nasabing proyekto.

Ganoonpaman, sinabi ni Director Alexander Juliano ng CoA na sa paunang imbestigasyon pa lamang ay marami nang “red flags” o maanomalyang transaksyon ang nakita ng CoA sa pagpapatayo ng Parking Building.

Si Juliano ang pinuno ng CoA Fraud Audit Office (FAO) na naatasan ng ahensya na mag-imbestiga sa napabalitang mga anomalya sa konstruksyon ng P2.7-bilyong Parking Building.

Sa report na binasa ni Juliano sa Senate hearing, binanggit niya ang anim na “red flags” na nakita ng CoA sa paunang imbestigasyon sa nasabing proyekto.

Una, halatang minadali ang proyekto dahil wala pang construction plan nang ibigay ng City Hall ang kontrata sa Hillmarc’s Construction Corp.

Pangalawa, masyadong maliit at kaduda-duda ang diperensya sa aprubadong budget ng kontrata kompara sa alok na halaga ng Hillmarc’s sa limang phase ng proyekto.

Ikatlo, walang Approved Budget Contract (ABC) para sa Phase 3 nang simulan ng Makati City government ang proseso ng procurement.

Ikaapat, nakompirma ng CoA na puwede nang gamitin at pakinabangan ang Parking Building matapos ang Phase 3 ng proyekto kung kaya’t hindi malaman kung saan napunta ang P793 milyon na ginastos para sa Phase 4 at Phase 5.

Ikalima, masyadong malaki ang P126-milyong diperensya sa halaga ng kontratang ibinigay ng Makati City Government sa Hillmarc’s Construction Corp., sa halaga ng kontrata na katanggap-tanggap sa CoA.

Ayon kay Juliano, nagtataka umano ang CoA kung bakit tatlo lamang ang sumaling bidder sa Makati Parking Building gayong napakalaki ng halagang inilaan sa nasabing proyekto.

“Hindi po normal na tatlong bidder lamang ang sumasali sa ganito kalaking proyekto,” ani Juliano.

Sinabi rin niya na kaduda-duda ang sobrang dikit na presyo na inihain ng Hillmarc’s kompara sa presyong itinakda ng City Hall para sa Parking Building.

“Pag open bidding, malaki ang pagitan sa mga presyong ito. Sa proyektong ito, napakaliit ng pagitan kaya kaduda-duda na nagkaroon talaga ng open bidding,” paliwanag ni Juliano.

Nasimulan ang proseso ng pagpapatayo ng Makati Parking Building noong 2007 sa panahon ni dating Mayor at ngayo’y Vice President Jejomar Binay.

Itinuloy ito sa panahon ng kanyang ginang, dating Mayor Elenita Binay, at anak na si Junjun Binay na kasalukuyang Mayor ng Makati.

Ayon naman kay CoA Commissioner Heidi Mendoza, may sabit din si Dr. Elenita Binay sa kaso ng tong-pats na nakompirma ng CoA sa imbestigasyon sa pagbili ng mga hospital equipment para sa Ospital ng Makati.

Nabisto umano na pinatungan ni Dr. Binay at ilang opisyal ng Makati nang mahigit 9,000 % ang presyo para sa pagbili ng mga equipment tulad ng hospital beds, cabinets at sterilizers.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *