NAHAHARAP sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 (Violence Against Women’s and Children’s Act) ang 44-anyos lalaki makaraan bugbugin ang kanyang kinakasama na inakusahan niyang nilagyan ng lason ang kanyang pagkain kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Nakapiit na sa detention cell ng Makati City Police ang suspek na si Alberto Gulas, ng 3232 Guerna St., Brgy. Palanan ng naturang lungsod.
Habang dumanas ng mga pasa sa ulo at katawan ang biktimang si Gina Somosa, 40-anyos.
Sa sinumpaang salaysay ni Somosa sa tanggapan ng Women’s and Children’s Protection Desk ng Makati City Police, dakong 9 p.m. nang maganap ang insidente sa loob ng kanilang bahay.
Nang dumating aniya ang lasing na suspek at kinompronta siya kung bakit nilagyan niya ng lason ang pagkain ni Gulas.
Hindi pinansin ng ginang ang suspek ngunit kinulit siya na nagresulta sa kanilang pagtatalo.
Hanggang sa saktan ng suspek ang biktima at iniuntog pa ang kanyang ulo.
Bunsod nito, tumakbo ang biktima at nagsumbong sa mga barangay tanod na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. (JAJA GARCIA)