PINANUMPA ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) National Executive Board Officers sa President’s Hall ng Malacañang Palace kahapon. (JACK BURGOS)
HINIKAYAT ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang mga lokal na opisyal partikular ang mga miyembro ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), na itigil ang nakasanayang pagbibigay ng abuloy sa binansagang ‘KBL’ o ang kasal, binyag at libing.
Ginawa ito ni Pangulong Aquino sa ginanap na panunumpa ng mga opisyal ng ULAP na kinabibilangan ng mga gobernador at mga alkalde sa bayan.
Sinabi ng pangulo, panahon na para ituon ang pondo ng gobyerno sa mahahalagang proyekto na mas kapaki-pakinabang sa mga mamamayan.
Ayon kay Pangulong Aquino, imbes mamigay ng mga panandaliang tulong gaya ng abuloy, ipagawa o ipatayo na lamang ng irigasyon, kalsada at paaralan.
Aminado ang Pangulong Aquino na hindi ito madali dahil nakasanayan na ngunit dapat simulan na ang pagtutuwid sa sistema.
Iginiit ng Pangulong Aquino na mas mainam pagtuunan ang mga proyektong manganganak ng benepisyo gaya sa edukasyon at pangkabuhayan.
(ROSE NOVENARIO)
TERM EXTENTION AYAW NI PNOY
LUMABAS sa survey na mas maraming bilang ng mga Filipino ang ayaw ipagpatuloy ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang kanyang panunungkulan makaraan ang Hunyo 30, 2016.
Batay sa resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa mula Setyembre 8-15, 62 porsiyento ng mga tinanong ang kontra sa pag-amyenda ng Konstitusyon, 30 porsiyento ang nagsabi na pabor silang isagawa na lamang ito sa mga susunod na panahon habang 32 porsiyento ang nagsabing dapat walang mangyaring Cha-cha.
Sang-ayon din sa parehong survey, 62 porsiyento rin ng mga tinanong ang kontra sa muling pagtakbo ni Pangulong Aquino sakaling amyendahan ang Konstitusyon, kompara sa 38 porsiyentong nagsasabing pabor sila.
Una rito, sinabi ng Malacañang na pakikinggan ni Pangulong Aquino ang tinig ng kanyang mga boss hinggil sa usapin ng kanyang term extention.