DAGUPAN CITY – Na-trauma at nagkapasa sa binti ang apat babaeng estudyante ng Parayao National High School sa bayan ng Binamaley, sa lalawigan ng Pangasinan, makaraan silang mabiktima ng hazing.
Ayon kay Supt. Marlou Aquino Castillo, hepe ng Binmaley Police Station, nangyari ang hazing sa isang abandonadong bahay na pag-aari ng pamilya ng isa sa mga menor de edad na founder ng Scouts Royale Brotherhood o tinatawag din na 19SRB75, sa Brgy. Naguilayan, Binmaley.
Aniya, inakala ng mga babaeng biktima na maganda ang grupong kanilang napasukan makaraan ma-recruit sa pamamagitan ng text ngunit pagdating sa lugar ay agad silang piniringan, tinakot at isinailalim sa hazing.
Una rito, naalarma ang mga guro nang may magsumbong na isang estudyante tungkol sa insidente.
Nang makita ang mga pasa sa binti ng mga estudyanteng edad 16-anyos ay agad ipinatawag ang kanilang mga magulang at idinulog sa himpilan ng pulisya ang insidente.
(BETH JULIAN)