PANSAMANTALANG nakalaya sa kasong estafa si Cristina Decena, dating maybahay ng aktor na si Philip Salvador, makaraan maglagak ng piyansa.
Bago mag-5 p.m. kamakalawa nang magtungo si Decena
sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 107 sa sala ni Judge Jose Bautista, dala ang P30,000 cash na inirekomenda ng Pasig RTC Branch.
Ayon kay Atty. Filomena Lopez, clerk of court sa Quezon City RTC, sa ilalim ng rules of court ay maaaring magpiyansa ang akusado sa ibang korte kahit sa Pasig RTC inilabas ang arrest warrant.
Naglabas ng warrant of arrest ang Pasig RTC sa pangunguna ni Judge Myrna Lyn Verano laban kay Cristina Castillo (tunay niyang pangalan) upang dakpin ang negosyante.
Pinadalhan na ng kopya ng warrant of arrest ang Makati at Pasig PNP, mga siyudad kung saan may tirahan ang akusado maging ang tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI), PNP Camp Crame at Bureau of Immigration (BI).
Taon 2012 nang mangutang si Decena sa negosyanteng complainant na si Ma. Theresa Del Mundo nang higit sa P30 milyon na aniya’y gagamitin sa negosyo ngunit hindi nabayaran.
Kinaibigan at nilinlang aniya siya ni Decena na nagpakilala bilang isang matagumpay na negosyante.
Aniya, Hulyo 27, 2012 nang makilala niya sa Heritage Hotel ang akusado at humiram muna ng P7.5 milyon na nasundan ng P25 milyon.
Dahilan ni Decena, ipambibili niya ito sa Bangkok ng mga damit na ibebenta sa Christmas Bazaar. (ED MORENO)