IMINUNGKAHI ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) board member Ariel Inton na ipagbawal sa EDSA ang mga pribadong sasakyan tuwing rush hour.
Ito ay bilang solusyon sa matinding bagal ng daloy ng mga sasakyan sa EDSA.
Sinabi ni Inton, dapat ibawal sa EDSA ang pribadong mga sasakyan partikular dakong 6 a.m. hanggang 9 a.m., apat beses tuwing weekdays.
Aniya, layon ng panukala na iprayoridad sa EDSA ang mga bus na kadalasang ginagamit ng mga bumibiyaheng walang sariling sasakyan.
“Para makasakay po ‘yung mga wala pong sasakyan nating kababayan [at] makarating po sa kanilang opisina before 8 (AM).”
Paliwanag niya, maaaring magpatupad ng reversed number-coding scheme sa mga pribadong sasakyan: “Kunwari sa Lunes 1 and 2, pwede sa kalye ng EDSA pero ‘yung iba pong plate number ending with the other numbers, pwede naman po pero labas lang ng EDSA.”
Paglilinaw niya, pagkatapos ng tatlong oras na peak hours sa EDSA, maaari nang muling dumaan doon ang mga may pribadong sasakyan na saklaw ng binabalak na reversed number coding scheme.
“Kapag mabilis na po ‘yung biyahe ng transportation sa EDSA, like the buses, luluwag na po ‘yung pila sa MRT. ‘Yung mga sumasakay ng MRT, meron na silang option, kaya nga po sila nag-e-MRT kasi ang bagal po ng biyahe sa bus.”
Inilatag aniya ang personal na mungkahi sa katatapos na traffic conference ngunit hindi ito opisyal na posisyon ng LTFRB.
Aminado rin si Inton na kailangan pang aralin ang kanyang panukala.