ni Alex Datu
SIGURO mahihinto na ang mga detractor ni Nora Aunor sa panlalait sa kanya na wala siyang naipon kaya naghihirap na. Maraming tumutuligsa sa kanya na waldas siya sa pera at ang nakalulungkot, pinagbibintangang nalululong sa casino.
At ang pinakahuling pangyayari sa buhay ng Superstar ay magbibigay-tuldok sa pang-iintriga sa kanya dahil kararating lang nito galing Iriga para ayusin ang mga papeles ng kanyang lupain na minana sa kanyang namayapang magulang.
Aniya, ”Okey naman po, naayos na ang aking mga problema sa mga lupain. Nakausap ko ‘yung mga farmer, tenants at sinabi ng abogado, may kasama naman kasi akong abogado, si Atty. Dino, siya ang kumausap sa mga farmer, 27 sila eh. In-explain sa kanila kung ano ang nararapat nilang gagawin doon sa mga sinasaka nilang lupa.
“Alam nila na sa akin pero may mga taong gustong makialam at naibenta ‘yung ilang lupa na hindi ko alam. Kaya ‘yan ang ginagawa ngayon ng abogado ko. Hahabulin ko ito lalo na at nagkaroon na ng mga pekeng titulo eh. Nasa akin ang lahat na original na titulo eh. Kaya ‘yun ang aayusin ngayon ng aking abogado.”
PAMANA NG MGA MAGULANG
Dagdag pa nito, base sa kanyang pagkatanda, nabili ng kanyang Mamay Tunying ang nasabing lupain noong menor de edad pa siya kaya kung nasabi man ito sa kanya, siguro nakalimutan na at posibleng hindi sineryoso. ”Sina Mama ko, Papa ko, sila ang nag-aayos at hindi nila nasabi na nakabili sila ng lupa mula sa kita ko. Bago nga namatay ‘yung Mama ko na ayusin niya ‘yung mga lupain at sabi, ‘Kahit hindi ka na mag-aartista, mabubuhay at mabubuhay ka’.”
Naganap ang interbyu, sa premiere night ng Dementia sa Trinoma Cinema 7 at base sa mga reaksiyon ng mga luma at bagong tagahanga nito, tuloy pa rin ang kasikatan ng People’s National Artist. ”Blessing in-disguise ‘yung hindi pag-declare kay Nora dahil kung National Artist na siya ngayon, hindi na siya pag-uusapan pero ngayon, she’s in the news at tuloy ang paggawa ng movies at pagtanggap ng awards,” pahayag ni Perci Intalan na direktor ngDementia.
Sakit sa pagtanda ang Dementia kaya game si Ate Guy sa pagsagot, ”Hindi naman ako natatakot kung sa pagtanda ay magkaka-dementia ako. Kasama na ito sa pagtanda pero hanggang maaari ay ayaw ko itong ganito (dementia). Pero mahirap na hindi ito mangyari maliban lang kung bago ka magkaroon ay patay ka na,” pahayag nito sabay ang pagtawa.
Ayon sa kanya, dapat alagaang mabuti ang mga taong may ganitong karamdaman, intindihin at unawaiin dahil ang katulad nila ay may parang may nakikita sila.
Inamin nito na kinatatakutan na dumating ang isang araw na wala na ang kanyang mga anak sa tabi niya, ”Siguro, nag-iisa ka na lang sa buhay. Walang mga anak mo, walang kasama, walang mga kaibigan. Kailangan naman talaga ng isang tao ang kasama kahit isa lang at least may kasama ka pa rin.”