MAHIGPIT nang ipagbabawal sa lahat ng paaralan sa Valenzuela City ang pagtitinda ng “junk foods” na labis na nakasisira sa kalusugan ng mga mag-aaral matapos na pumasa sa Sangguniang Panglungsod ang ordinansang inisponsoran ni 1st District Councilor Rovin Feliciano.
Ang ordinansang ito na pinamagatang “An ordinance mandating all educational institutions, commercial establishments, food vendors within the City Valenzuela to promote nutritious food beneficial to the health and general well-being of students” ay naglalayong mapangalagaan ang kalusugan ng mga estudyante sa buong lungsod.
Ayon kay Feliciano, sa pamamagitan ng ordinansang ito ay matitiyak na masustansiya ang lahat ng kakainin ng mga estudyante sa lahat ng paaralang pampribado at pampubliko sa Lungsod ngValenzuela na isa rin sa prayoridad ni Mayor Rex Gatchalian.
Napag-alaman pa sa isinagawang pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamataas na bilang ng mga kabataang nasa pagitan ng 10 hanggang 19-anyos ang hindi nababantayan ang kalusugan.
Mas madali rin makabili ng junk foods sa mga paaralan sa NCR kaya’t mas marami sa mga estudyante dito ang hindi maayos ang kalusugan dahil na rin sa pagkain ng hindi masusustansiyang pagkain.
Dahil dito, naisipan ni Feliciano na balangkasin sa Sangguniang Panglungsod ang ordinansa dahil sa pamamagitan nito ay mababantayan ang kalusugan ng mga mag-aaral kahit nasa labas ng kanilang bahay hanggang lagdaan ito at maging isang ordinansa.
Inaatasan sa naturang ordinansa ang city health department, city nutrition council at ang local school board na gumawa ng listahan ng mga ikinokonsiderang junk foods upang maiwasan ng mga mag-aaral.
(rommel sales)