DESIDIDO ang mga magulang ng 8-anyos batang babae na sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 (Child Abuse) ang anila’y sadistang guro na nanakit sa kanilang anak sa loob ng paaralan na nagresulta sa trauma kaya ayaw nang pumasok sa paaralan.
Kinilala ang inireklamong guro na si Felomena Mayor ng Bagong Buhay East Central Elementary School sa Lungsod ng San Jose del Monte, sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa salaysay ng ina ng biktima na si Ginang Corazon Andulana, Setyembre 23, 2014, nang mangyari ang pananakit sa kanyang anak sa loob ng silid-aralan nang makita ng kanilang guro na nakikipag-away sa kamag-aral.
Aniya, imbes awatin ay nagalit ang guro at kinaladkad ang biktima habang hawak sa buhok at iniuntog ang ulo sa pisara, hinampas at sinukluban ng timba sa ulo.
Agad sinamahan ng ina ang anak upang kausapin ang guro ngunit si Mrs. Mayor umano ang nagalit at sinabihan silang mag-ina na magdemanda na lamang at sa korte na lamang siya magpapaliwanag.
Samantala, pinatunayan ng sumuring doktor na nagkaroon ng galos at pasa sa katawan ang biktima na pinaniniwalaang resulta ng pananakit ng guro.
Sa kasalukuyan, nasa tanggapan ni Ma. Carmen Cuenco, OIC assistant school superintindent ng Department of Education (DepEd) ng nasabing lungsod, ang reklamo laban sa nasabing guro para sa nakatakdang suspensiyon habang inihahanda ng pulisya ang kasong kriminal na isasampa sa nasabing guro.
(DAISY MEDINA)