ni ROLDAN CASTRO
PANGATLONG beses na pagtatambal na nina Yul Servo at Nora Aunor ang pelikulang Dementia at ‘nanay’ ang tawag ng actor sa nag-iisang Superstar.
Kumusta ang muling pagsasama nila?
“Bale nakatutuwa po na kumbaga makatrabaho ko uli si Nanay Guy. Siguro isa ako sa pinakamasuwerteng artistang lalaki sa henerasyon namin. Kasi biruin mo, pangatlong movie ko pa lang po, nakatrabaho ko siya, hindi lang po basta trabaho, naging leading man niya po ako roon (Naglalayag) kaya…
“Pero ito pong pangatlong trabaho namin, talagang naging close na po kami. Kasi sa ‘Dementia’ po, kasi sa pangalawang pagtatrabaho namin nahihiya po ako lagi sa kanya. Parang nakahihiya po, parang nakai-intimidate. Pero napakabait niya po. Kapag nakikita ko silang dalawa ni Miss Bing (Loyzaga), talagang, akala mo hindi Superstar at saka talagang ‘yung bonding nila sa Batanes, kakaiba.
“Parang masiyahin. Dati hindi ako nakakapagsalita sa kanya, eh. Ngayon nakapagsalita na ako sa kanya. Nakakakuwentuhan ko na. Rati hindi, eh. Nakakakuwentuhan ko lang siya ‘pag sa set, pero ngayon, maski hindi sa set.
“Parang ang nagbukas sa akin na mapalapit kay Nanay Guy si Miss Bing Loyzaga nga kasi kami ‘yung magkakasama, eh.
“’Yung samahan kasi nila parang nagiging kalog din si Nanay.
“Kaya ang cute ni Nanay, eh. Ang sarap hong katrabaho! At saka talagang ano, mahahawa ka sa kanya, ‘yung galing niya puwede niyang ibigay sa mga co-actor.
“At saka minsan kahit hindi niya eksena, biruin mo susuportahan niya kahit hindi siya ang kinukunan sa kamera, talagang susuportahan niya. Hihintayin ka niyang matapos. At saka isa pa ‘yung ano, kapag hindi mo makuha talagang tutulungan ka niya. Nag-a-acting coach pa ito si Nanay. Kaya napakagaling talaga. Mata pa lang, madadala ka na,” bulalas ni Yul.
Palabas na sa mga sinehan ang Dementia sa ilalim ng direksiyon ni Perci Intalan.