Thursday , December 26 2024

“TRO in aid of destabilization”

00 Kalampag percyKUMBAGA sa pelikula, isang malaking “flop” at hindi kumita sa takilya ang mapagkakamalang State of the Nation Address (SONA) na talumpati ni Vice Pesident Jejomar Binay.

Hindi pumatok sa publiko ang mistulang campaign speech at hindi niya naipaliwanag ang kanyang panig sa isyu na overpriced ang proyekto niyang Makati City parking building noong siya’y alkalde pa ng lungsod na itinuloy ng kanyang anak na si Mayor Jun-jun Binay.

Kung wala talagang ginawang anomalya ang mag-amang Binay, bakit hindi sila humarap sa imbestigasyon ng Senado at para doon pasinungalingan ang ibinubulgar ng mga ‘di mapasusubaliang testigo?

Ang paghingi niya ng saklolo sa Korte Suprema para ipatigil ang Senate probe ay desperadong hakbang upang ipatigil ang paglaladlad sa itinatagong baho ng mga Binay.

Ayaw ba niyang ipaalam kung ano talaga ang tunay na kahulugan ng slogan niyang “Ganito kami sa Makati’ sa nakalipas na 28 taon?

Taktika din kaya ito ni Binay para pagsabungin ang hudikatura sa lehislatura upang makalikha ng constitutional crisis?

Sakaling makumbinse niya ang Supreme Court na maglabas ng temporary restraining order (TRO) para ipatigil ang Senate investigation, natural na aalma ang Senado kaya’t makikialam na ang isa pang co-equal branch na Ehekutibo para mabalanse ang takbo ng gobyerno.

Ngunit dahil inuulan na rin ng batikos si Pangulong Benigno Aquino III sa kadedepensa kay PNP chief Alan La Madrid Purisima, baka madamay na siya sa galit ng taong bayan sa korapsiyon.

Kung may tactical alliance si Binay sa mga maka-kaliwang grupo, oposisyon, at Korte Suprema, posibleng maging mitsa ang pagtatanggol ni PNoy kay Purisima para patalsikin siya sa Malacañang.

Sa Constitution, ang Vice President ang next in line sa trono kapag hindi na uubra ang Pangulo.

Kay Binay kaya ang huling halinghing, este, halakhak?

 

PATI INIDORO NI BINAY

“BIDING-BIDINGAN” DIN

SABI ng isang dating konsehal na kaalyado noon ni Binay, walang tunay na bidding kundi pawang “biding-bidingan” lahat ang mga kontrata sa Makati.

Sa mga kubeta pa lang ay natuklasan na hanggang 300% ang ipinatong sa presyo: inidoro (bawa’t isa ay P32,400 ang halaga); lababo (P24,800); urinal (P31,500); at hand dryer (P62,700), pati ang labor cost sa pagkakabit ng mga ito.

Paano ipaliliwanag ni Binay sa BIR kung totoong tumanggap ng sahod na P32,400 ang mga construction workers na nagkabit ng mga nabanggit na materyales, kahit gawin pang P500 kada araw ang minimum wage ng isang obrero?

Hindi ba naisip ni Binay na mas kailangan ng mga maralitang taga-Makati City ang disenteng tahanan kaysa magagarang kubeta sa gusaling-garahe ng siyudad?

Bakit hindi nagawang makagpatayo ni Binay ng in-city housing project o disenteng tahanan na mas kailangan ng mga maralitang iskuwater kaysa magagarang kubeta sa gusaling-garahe ng Makati?

At paano naaatim ng mga Binay na matulog ng mahimbing sa kanyang mansion, habang ang mga iskuwater sa Makati ay sa bangketa nakatira at natutulog?

Ngayon ay unti-unting naiintindihan ng buong bansa kung bakit dapat maipasa agad ng Kongreso ang anti-political dynasty bill.

 

GEN. ALAN PURISIMA:

“MAGPALIWANAG KA!”

INAABANGAN ng publiko, direct from the horse’s mouth, ‘ika nga, ang paliwanag ni Purisima sa paglobo ng kanyang mga nakakalulang kayamanan.

Gaya ni Binay, “from rags to riches” at Cinderella story din ang buhay ni Purisima.

Pero sa karakter ni Purisima, na hindi naman magaling magsalita, tiyak na magkakabuhol-buhol ang kanyang dila kaya mukhang mahihirapan siyang magpaliwanag.

Marami ang duda na pakulo lang ng mga bayarang PR ang paglutang ng dalawang kalalakihan para siraan ang naghain ng kasong plunder laban kay Purisima sa Ombudsman.

Sa totoo lang, ang importanteng isyu na dapat sagutin at ipaliwanag ni Purisima ay kung paano siya nakapagpundar ng multi-milyones na kayamanan, gayong silang mag-asawa ay kapwa sumasahod lang sa gobyerno at hindi naman sila isinilang na mga asendero.

Wala nang kesyo-kesyo o paligoy-ligoy pa, sagutin na lang ng deretsahan nina Binay at Purisima ang tanong: PAANO BA KAYO YUMAMAN?

 

Para sa reklamo, suhestiyon at komentaryo tumawag o mag text sa 09158227400 / Email: [email protected]

 

Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

MMFF 2024 Parade of Stars

Parade of Stars nagningning, dinumog at pinagkaguluhan

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio STAR studded at matagumpay ang MMFF 2024 Parade of Stars noong Disyembre …

Korina Sanchez-Roxas Rachel Alejandro 

Alamin major heartbreak ni Rachel Alejandro

PANALO na naman ang latest episode ng Korina Interviews this Sunday, December 22, 6:00 p.m., on NET25. Sa …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *