SA KABILA ng mga negatibong nangyayari sa hanay ng Philippine National Police (PNP), gusto nating purihin ang isang Senior Police Officer (SPO) 1 ARIEL CAGATA, kagawad ng Manila Police District (MPD) Traffic foot patrol sa area of responsibility (AOR) ng Ermita Police Station sa ilalim ng pamumuno ni Supt. Romeo Macapaz.
Mag-isang nasakote ni Si SPO1 Cagata ang dalawang pusakal na holdaper sa Ermita. Nakatakas ‘yung isa na siyang may dala ng lahat ng kanilang nakulimbat sa mga pasahero ng jeep na may rutang Divisoria – Baclaran.
Gabi (7:10 p.m.) na nang masakote ni Cagata nitong Sabado ang dalawa sa tatlong holdaper na kinilalang sina Romulo Quinao y Cabigayan, 38 anyos, at Danilo Bello y Tadeo alyas Danny, 39 anyos.
Ang mga notoryus na holdaper na sina Quinao at Bello ay kapwa naninirahan sa Baseco Compound sa Port Area, Maynila.
Isang matandang babae na pasahero ng jeep ang napansin ni Cagata na sumisigaw at humihingi ng tulong kaya agad niyang hinabol ang jeep.
Nasakote sina Quinao at Bello pero nakatakas ang isang alyas Bobby na siya umanong may dala ng mga nakulimbat nila sa mga pasahero.
Ang mga biktima ng mga pusakal na holdaper na ‘yan ay ilang indibidwal na kinabibilangan ng isang lola at isang lolo gayon din ang mag-aama.
Isang buwan na ang nakararaan (Agosto 28) nang biktimahin din ng tatlong notoryus na holdaper na sina Quinao, Bello at isa pa sa tapat pa mismo ng city hall, ang isang pamilya (tatay, nanay at 7-taon batang babae) na patungo sa paaralan para sa isang programa.
Sumakay ang mag-anak sa tapat ng Metropolitan Theater (MET) sa Lawton. Supposedly, sila ay bababa sa T.M. Kalaw.
Napansin na nila na naunang nakasakay ang tatlong lalaki (mga holdaper) na nakapwesto sa estribo ang dalawa at ang isa ay sa likod ng driver.
Hanggang pagdating sa Lagusnilad ay nagdeklara ng holdap, saka itinutok sa mga pasahero ang dalawang baril at isang balisong.
Agad hinablot ang tatlong cellphone ng mag-anak, at iba pang kagamitan pati na ang bag ng batang babae.
Dahil sa matinding takot umiyak ang batang babae kaya pinagsabihan ang mag-asawa na “Hoy patahanin ninyo ‘yan!”
Pag-ahon sa Lagusnilad bago pa makatawid ng Ayala ay bumaba na ang mga holdaper patungo sa direksiyong pa-Quiapo.
Halos dalawang linggo na nag-iiyak ang bata dahil sa trauma at natakot pumasok sa eskwela.
Bukod sa pamilyang ‘yan, nasundan nang nasundan pa ang mga panghoholdap ng nasabing grupo.
Nitong nakaraang linggo, muli na naman silang nakapambiktima ng mga pasahero na may kasamang bata.
Sa matinding trauma, ang nasabing bata ay hindi pa pumapasok sa eskwela hanggang ngayon.
Sa huling balita, dinumog ng mga biktima ang dalawang notorious na holdaper sa MPD PS-5 para sampahan ng kasong robbery hold-up (violation of Republic Act 10591, Section 29) at child abuse in relation to Republic Act 7610 Sec. 10.
Mabuhay ka SPO1 Ariel Cagata.
Sana ay masakote na rin ninyo ang iba pang mga snatcher at mga pusakal na magnanakaw sa AOR ninyo.
Sa mga biktima, seryosohin po ninyo ang pagrereklamo at pagdalo sa hearing nang matuluyan na ‘yang mga walanghiya at pusakal holdaper na ‘yan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com