INIHAIN ni Volunteers Against Crimes and Corruptions (VACC) Chairman James Jimenez ang kasong plunder at graft and corruption laban kay PNP chief, Director General Allan Purisima sa Ombudsman kahapon. (ALEX MENDOZA)
MULING kinasuhan ng plunder si Philippine National Police (PNP) chief, Director General Alan Purisima sa Ombudsman kahapon.
Isinampa ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang ikalawang kaso ng pandarambong laban sa PNP chief, bukod pa sa mga kasong indirect bribery, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees; at administrative offenses ng dishonesty, grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Sa pangunguna ni Dante Jimenez, idiniin ng VACC si Purisima dahil sa kontrobersyal na “White House” sa Kampo Crame, mansiyon sa Nueva Ecija, poultry farm sa Cabanatuan City, at ekta-ektaryang plantasyon ng mangga sa Pangasinan.
Giit ng VACC, hindi tugma ang yaman ni Purisima sa nilalaman ng kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) para sa taon 2012 at 2013.
Matatandaan, inihain ng Coalition of Filipino Consumers ang unang kasong plunder laban kay Purisima dahil din sa kwestyonable niyang yaman.
YAMAN NI PURISIMA BUBUSISIIN SA SENADO
IPAGPAPATULOY ngayong araw ng Senate committe on public order and dangerous drugs ang pagdinig hinggil sa PNP modernization bill kabilang na ang pagbusisi sa kayamanan ni PNP chief, Director Gen. Alan Purisima.
Sa media advisory ni Sen. Grace Poe, chairperson ng komite, kompirmadong dadalo si Purisima.
Nabatid na ipinadadala ng Senado kay Purisima ang kopya ng kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).
Magugunitang nadesmaya si Poe noong nakaraang pagdinig dahil sa pag-isnab ni Purisima sa imbitasyon at nagpadala lamang ng kinatawan.
(NIÑO ACLAN/
CYNTHIA MARTIN)
PNP CHIEF HINDI MAGRE-RESIGN
WALANG planong mag-resign si Philippine National Police (PNP) Director General Alan Purisima.
Ito ang inihayag ni PNP spokesperson Sr. Supt. Wilben Mayor kahapon.
Matatandaan, iminungkahi ni dating PNP chief at ngayo’y rehabilitation czar Panfilo “Ping” Lacson na magbakasyon o magbitiw si Purisima dahil hinihila niya pababa ang pangalan ng Pangulo at ang buong hanay ng pulisya, habang panawagan ni Sen. Grace Poe na mag-leave muna ang opisyal.
Ayon kay Mayor, mataas ang morale ng hepe sa kanyang pag-uwi sa bansa nitong Linggo ng gabi mula sa consultation meeting sa Bogota, Colombia.