ALINSUNOD sa mga batas na itinatakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) mayroong pananagutan si Air Materiel Wing Savings and Loan Association Inc. (AMWSLAI) president Ricardo Nolasco, Jr., sa inilagak na puhunan ng pamilya ni pork barrel scam queen Janet Lim Napoles.
Isa sa mga ibinunyag ng whistleblower na si Benhur Luy ang inilagak na P510 milyones na sapi (shares) ng mga Napoles sa AMWSLAI. sa ipinagmamalaking records ng AMWSLAI na naitatag noong 1956, ito ngayon ang may pinakamalaking non-stock savings and loan association sa buong bansa na mayroong mahigit sa P16 bilyon financial resources, 30,000 members at 44 branches nationwide.
Noong 2004, ang nasabing military-based co-op bank ay kumita ng P2.2 bilyon.
Sa kasalukuyan, ang presidente ng AMWSLAI na si Ricardo Nolasco ay may posisyon din sa Confederation of Non-Stock Savings and Loan Associations (CONSLA) ang grupo ng 71 thrift banks sa buong bansa.
Ang mga thrift banks ay pinatatakbo at pinamamahalaan ng mga kooperatiba dahil nagbibigay sila ng pautang nang walang kolateral sa mahihirap nating kababayan.
Nang mag-invest ang mga Napoles sa AMWSLAI noong 2009 ng P510 milyon, isa na ito sa mga nangungunang savings and loan sa bansa. Ipinagmalaki ni Nolasco sa CONSLA convention, ang savings and loan sector ay matatag at mayroong capital na P92 bilyon.
Halimbawang ang mga Napoles ay nagdeposito ng P500 milyon mula 2009 hanggang 2011, sa 13-percent interest, ang pera ay kikita ng P65 milyones sa loob ng isang taon o P195 milyones sa loob ng 3 years.
Kung kumita nang ganito kalaki ang mga Napoles, wala bang pananagutan si Nolasco gayong maliwanag sa batas ng BSP na ang sino mang indibidwal o grupo na maglalagak ng malaking halaga sa banko ay dapat iulat sa kanila alinsunod sa Anti-Money Laundering Act.
Pero bakit hindi iniulat ni Nolasco.
Magkano este ano ang dahilan, bakit hindi iniulat ni Nolasco sa BSP?!
Hindi ba’t malinaw na mayroong pananagutan d’yan si Nolasco?!
Paging SoJ Leila De Lima, paging Ombudsman Conchita Morales – Carpio dapat ninyong busisiin ang Napoles’ shares sa AMWSLAI lalo na kung ‘yan ay galing sa pork barrel na kanilang dinambong sa taong bayan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com