The man without the Spirit does not accept the things that come from gthe Spirit of God, for they are foolishness to him, and he cannot understand them, because they are spiritually discerned. — 1 Corinthians 2: 14
IBA’T IBANG pakulo na naman ang ginagawa ng gobyerno para lamang maibsan ang matinding problema ng trapiko sa Kamaynilaan. Nariyan ibahin ang oras ng pasok sa eskwela ng mga estudyante, bawasan ang mga provincial bus sa kalsada at iba pa.
Ang nais naman ngayon ay magkaroon na lamang ng apat na araw na pasok sa mga opisina ang mga empleado ng pamahalaan.
Ano pa kaya ang babawasan? Suweldo?!
***
HINDI tayo sang-ayon sa ganyan patakaran ng mga kabarangay. Maraming mababalam na transakyon kapag ipinatupad ng Civil Service Commission (CSC).
Biruin ninyo kung tuwing Biyernes lamang ang iyong day-off sa trabaho sa pribado para ayusin ang mga papeles sa city hall ay saka naman walang pasok sa gobyerno dahil sa 4-day work policy.
***
PAANO kung kailangan mo na sa araw ng Biyernes ang mga dokumento, pero dahil walang pasok sa gobyerno ay mabibitin ang pag-alis mo o napagsarhan ka ng embassy para sa iyong visa.
Maraming balakid sa ganitong sistema na kailangan muna ng isang masusing pag-aaral bago ipatupad (o huwag nang ipatupad!)
***
MARAMING tanggapan sa gobyerno ang mabagal ang pagkilos o pag-aksyon na matugunan ang kailangan ng mga mamamayan, kaya lalong magkakaroon ng malaking epekto sa ekonomiya kapag itinuloy ang 4-day work sa gobyerno.
Aminin man nila o hindi maraming tamad na opisyal o empleado ng gobyerno na laging sinasabi sa mamamayan na “mamaya na o balikan mo na lang bukas.” Kung araw ng Huwebes na-postponed ang papeles mo, aba, Lunes na ang balik mo!
Susme, laking abala hindi ba mga kabarangay?!
***
KAYA sapat na ang dalawang araw na pahinga (Sabado at Linggo) para sa mga empleado ng gobyerno.
Kung palalawigin pa ang kanilang “rest day” hindi rin ito makatutulong sa problema sa trapiko dahil tiyak, ang mga empleadong hindi mo pinatrabaho ay makikita mo lamang na namamasyal sa mga mall o park.
Hindi ba mga kabarangay?!
GILAS PILPINAS, WALANG KAGLAS-GILAS!
PINAGTATAWANAN ang pambansang koponan natin sa FIBA competition, at ngayon naman sa Asian Games sa Incheon, South Korea —— ang Gilas Pilipinas team. Pulos talo ang natatangap ng team ni Coach Chot Reyes.
Palagi lamang sa unang sigwada, pero makaraan ay malalamangan ng kalaban hanggang matalo sa huling sigwada.
Walang kagilas-gilas!
***
PULBOS ng kampanya sa advertisement ang Gilas Pilipinas team, mula sa iba’t ibang kompanya. Suportado ito halos lahat ng sektor at malalaking kompanya gaya ng business magnate Manny V. Pangilinan.
Pero olat din ang Gilas Pilipinas, minsan lang magwagi akala mo ay naka-jackpot na. Panahon na siguro na ibang sports ang pagtuunan ng pansin ng mga Pinoy, hindi ang basketball na dominado ng malalaki at matatangkad na players.
***
ISIPIN na lamang ang laki ng ginagastos natin sa sports na ito pero hindi man lamang tayo makapasok sa quarterfinals. Nag-i-import pa tayo ng mga Amerikano na para lamang makapasok ang ating team at nilalakad pa natin ang kanilang citizenship.
Marami namang sports na nababagay at akma sa mga Pinoy huwag na natin ipagpilitan pa ang basketball sa atin. Magising na sana tayo sa katotohanan na ang basketball ay hindi talaga para sa mga Pinoy!
Kahit itanong n’yo pa sa kaibigan ko si Ben ng Manila City hall!
Para sa anumang komento, mag-email sa [email protected] o mag-text sa # 0932-321-4355. Ang Joy to the World ay lumalabas tuwing Lunes, Martes at Huwebes
Chairwoman Ligaya V. Santos