AYAW mag-leave sa kanyang trabaho si Department of Transportations and Communications (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya kung hindi siya uutusan ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ito ang naging reaksyon ng kalihim sa gitna ng nakatakdang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa kanya at 20 iba pa dahil sa sinasabing maanomalyang kontrata ng maintenance sa MRT 3.
Ayon kay Abaya, tulad ng nakaraang pag-iimbestiga sa kanya, magiging bukas siya para sa lahat upang ipakitang wala siyang pagkakasala kaya hindi na kailangan pa ang lumiban sa kanyang trabaho.
Isa aniyang pagpapabaya sa mga pinaglilingkuran ng DoTC kung bigla niyang iiwan ang trabaho at iaasa sa pansamantalang hahalili sa kanya.
Aniya, hihintayin na lamang niya ang payo ng pangulo kung ano ano ang mga gagawin.
Si Abaya at 20 iba pa ay pinaiimbestigahan dahil sa posibleng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) kaugnay ng nabanggit na anomalya.