ISANG kasapi ng Manila Police District (MPD) na binansagang ‘Boy Balugbog’ ang inireklamo ng pambubugbog sa isang miyembro ng Pasang Masda na pinaghinalaan niyang ‘nambuburaot’ ng mga pasahero na naging sanhi ng pagsisikip ng trapiko, sa panulukan ng Rizal Ave., at Tayuman St., sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nagtungo sa tanggapan ng MPD-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), ang biktimang si Dan Alvin Tanedo, 29, jeepney driver, ng 1996 Perfecto St., Tondo, kasama ang kanyang inang si Imelda Ocampo para ireklamo si PO3 Marcelo Dexter, nakatalaga sa MPD-Police Station 7.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jayjay Jacob, ng MPD-GAIS, nangyari ang insidente, dakong 4:30 ng hapon, sa nabanggit na lugar, habang nasa unahang linya si Tanedo na naghihintay ng pasahero.
“Lumapit siya, sinuntok ako sa dibdib at braso, nasira ang damit ko, pinipilit niya akong ilabas ko ‘yung sasakyan e meron namang nasa unahan ko, ‘yong pulang kotse, akala niya ako ‘yong sanhi ng trapik, ‘yong anak ko ngang babae ‘e natutula,” salsaysay ni Tanedo.
Nalaman na papunta sa Ospital ng Tondo ang suspek, kasama ang dalawang pulis para ipa-medical ang nahuli nilang suspek nang mangyari ang insidente.
Nagtungo ang biktima sa Police Station 7 para magreklamo, isang lalaki ang kumausap kay Dexter, maya-maya, lumapit sa kanya, sabay maangas na iniabot ang P1,000 kasunod ng pagsasabing: “Pambili mo ng t-shirt at saka tsinelas tapos umuwi ka na!”
Hindi tinanggap ng biktma ang pera, sa halip, ipinasiya niyang magreklamo sa MPD-GAIS.
(LEONARD BASILIO)