PINAGBABAYAD ng halos P11,000 ng tinuluyang hotel ang isang babaeng Chinese national makaraan buhusan ng ihi ang LCD matrix TV 32” na nasa loob ng kanyang kuwarto bago mag-check-out sa isang hotel sa Malate, Maynila, kamakalawa.
Dinala sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) nina PO1 Ramil Escarcha at PO1 Ryan Gabon, ng Tourist Police si Wenna Zhao, 30, nanunuluyan sa 503 Manila Crown Hotel, makaraan ireklamo ni Ramil Ricardo, 38, purchasing officer ng naturang hotel sa 1726 Adriatico St., Malate.
Ayon kay Ricardo, nanatili ng 20 araw sa kanilang hotel si Zhao pero bago mag-check-out kamakalawa ng umaga, binuhusan ng ihi ang TV dahilan para hindi na gumana.
Nakita rin si Zhao na nagwala sa lobby ng hotel na ibinato ang hawak na baso na may lamang tubig.
“Nagwawala ho iyan, walang ginawa ‘yan kundi pumunta sa casino, tapos sabi niya nawawalan daw siya ng pera e may nakakabit na CCTV sa labas ng kuwarto niya, wala naman nakikitang pumapasok sa kuwarto niya,” ayon kay Ricardo.
“Maliit lang ang suweldo namin, kapag hindi niya binayaran ‘yang sinira niya, sa amin naka-charge ‘yan,” dagdag ni Ricardo.
Walang nagawa si Zhao kundi bayaran ang nasirang TV bago inihatid sa airport para bumalik sa China.
(LEONARD BASILIO)