PAG-AARALAN pa ng Malacañang kung ipatutupad sa 70 ahensiya sa ilalim ng Office of the President, ang four-day workweek resolution ng Civil Service Commission (CSC) sa mga tanggapan ng pamahalaan sa Metro Manila.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, kailangang busisiin pa ng opisina ni Executive Secretary Paquito Ochoa kung maaapektohan ang operasyon ng mga tanggapan sa ilalim ng OP, lalo na ang mga aktibidad ni Pangulong Benigno Aquino III kapag ipinatupad ang nasabing resolusyon ng CSC.
Ang resolusyon ng CSC na inilabas noong Setyembre 8 ay batay sa ginawang survey ng komisyon sa pagtugon sa lumalalang sitwasyon ng trapiko bunsod ng itinatayong infrastructure projects.
Base sa resulta ng survey, mas pabor ang mga kawani ng pamahalaan sa iskemang 4-day workweek o ang pasok sa trabaho ay Martes hanggang Biyernes o Lunes hanggang Huwebes, 8 a.m. hanggang 7 p.m.
Anang CSC, boluntaryo lang ang implementasyon ng mga tanggapan ng pamahalaan at depende sa klase ng kanilang operasyon.
(ROSE NOVENARIO)