ISANG masayang pagdiriwang ang ginanap sa temporary shelter ng mga batang maysakit na Child Haus founded by beauty guru-pilantropong si Ricky Reyes noong Linggo, September 21, 2014.
Parang kailan lang isinilang ang BATA sa bakuran ng PCSO na ang nakatuwang ni Mader ay ang noo’y MMDA Chair Bayani Fernando, PCSO Chair Honey Singson, Gandang Ricky Reyes Salon Managers, Rotary Club of Salcedo, Makati, NGOs, at mga kaibigan. Inilipat ito sa isang paupahang bahay sa Project 8, Quezon City. Tapos ay naghandog ng lupa’t bahay ang pilantropo at head ng SM Group of Companies na si Mr. Hans Sy sa Kamuning, Quezon City na tinawag na ChildHaus 1.
Taon-tao’y nakagugulat ang pagdagsa ng mga sponsor pero ang higit na nakapagpaiyak kay Mader ay ang isang larawan ng isang six storey building na itinatayo malapit sa Philippine General Hospital sa Maynila na iniabot sa kanya ni Mr. Sy last Sunday at ito’y tatawaging ChildHaus 2.
“Sa halip na mag-party for his birthday, ang pera’y inilaan ni Hans sa CH-2. Ngayo’y ‘di na kailangang magbiyahe ang mga pasyente papunta sa PGH Cancer Ward for Children dahil doon sila ginagamot at ginagawan ng laboratory test,” sabi ni Mader.
Sa 11th birthday ng BATA ay ipinapanood din ang music video ng mga pasyente kasaliw ang grupong 143 na maaaring panoorin sa YouTube at iTunes. Bawat download nito’y katumbas ang donasyon sa BATA.
Ang selebrasyon ay mapapanood sa Gandang Ricky Reyes Todo Na Toh ngayong Sabado saGMA News TV, 9:00-10:00 a.m..