GRABE ang dinanas na daluyong ng mga probinsya ng Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union at Abra dahil sa lakas ng hagupit ng bagyong si Mario.
Ito ang ating nakikita sa lahat ng retratong lumalabas sa mga pahayagan at mga video clips na lumalabas sa telebisyon na halos magutay na ang negosyong sakahan ng naturang mga probinsiya.
Saan ka man sumuling ay puro baha ang iyong makikita at saan ka man maparoon ay sandamakmak naman ang nakabagsak na puno at poste ng koryente.
Maging ang mga kalsada at tulay ay napinsala sa naturang mga lalawigan kaya’t dagliang tulong ng gobyernong nasyonal ang kinakailangan sa naturang area.
Dito ngayon sumambulat ang delay na pagre-release ng Department of Budget and Management (DBM) sa share ng naturang mga lalawigan sa tobacco excise tax na ang intensyon talaga ay tulungan ang mga magsasaka ng tobacco sa naturang lugar at upang matulungan na rin sa mga pagawaing bayan ang lalawigan ng Ilocos Sur, Ilocos Norte, Abra at La Union.
Malinaw ang intensyon ng naturang batas pero bakit parang lumalabo dahil hanggang ngayon ay dumaraing pa rin ang ating mga kababayan sa delay nilang pagkakatanggap ng naturang ayuda buhat sa gobyerno.
Sa ating pagkakaalam , aabot sa mahigit P1 bilyon ang share ng mga lokal na pamahalaan sa tobacco excise tax at kung tama ang ating pagkakarinig kina Gobernador Ryan Singson ng Ilocos Sur at Imee Marcos ng Ilocos Norte ay delay na ito nang halos 2 taon.
Marami na sanang proyekto ang nasimulan kung tumalima lamang ang DBM sa kanilang mandato pero dahil nga hindi nila ibinigay ang share ng naturang mga lalawigan ay nawindang lalo ang naturang mga lugar dahil malinaw sa pahayag ng naturang mga gobernador na ang pondo na galing sa tobacco excise tax ay kanilang gagamitin sana sa mga flood control projects katulad ng kanal, kalye at proyektong pang irigasyon.
Maging si DILG Sec. Mar Roxas na sumadya sa lugar matapos ang bagyong Mario ay dinaingan din nina Marcos at Singson pero dedma lamang ang kalihim at nakambiyo bigla sa iba ang pinag-uusapan.
Ayaw nating isiping politika ang dahilan ng pagkakabinbin ng pagka-kadelay ng release pero dahil 2 years na halos ang itinagal nito ay mukhang walang iisiping iba ang taumbayan.
Alvin Feliciano