GAGAWIN sa Lunes, Setyembre 29, ang planning session ng Philippine Basketball Association Board of Governors sa Incheon, Korea, para sa paghahanda ng liga sa pagbubukas ng ika-40 na season sa Oktubre 19.
Pangungunahan ng bagong tserman ng lupon na si Patrick Gregorio ng Talk n Text ang nasabing planning session bilang kapalit ni Ramon Segismundo ng Meralco.
Ilan sa mga tatalakayin sa pulong ay ang opening ceremonies ng liga na gagawin sa bagong Philippine Arena sa Bulacan at ang magiging format ng tatlong komperensiya ngayong mayroon nang tatlong bagong koponan sa katauhan ng North Luzon Expressway, Blackwater Sports at Kia Motors.
May proposal sa lupon kung saan mga imports na galing sa mga bansa sa Asya at ang pagbabalik ng unlimited height format ng mga imports ang gagamitin ngayong season.
Payag ang ilang mga opisyal ng PBA na ayusin ang iskedyul ng Gilas Pilipinas para maghanda sila sa susunod na FIBA Asia Championships sa Tsina sa susunod na taon na qualifier para sa 2016 Rio Olympics.
Bukod sa pulong, bibigyan din ng suporta ang PBA board sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa men’s basketball ng Asian Games.
(James Ty III)