TALAMAK na ngayon ang kultura ng ‘hulidap’ sa hanay ng Manila Police District (MPD).
Kung dati, mga kriminal na sibilyan ang tinutugis ng Manila’s Finest, ngayon unipormado na ang mga kriminal at nagtatago dahil mga mamamayan na dapat sana’y kanilang binabantayan ang kanilang biktima.
Habang isinusulat ito, pinaghahanap pa ang walong hindoropot na pulis ng Anti-Carnapping unit ng MPD bunsod ng reklamo ng negosyanteng Pakistani na kinikilan umano nila ng P100,000.
Kinasuhan ng robbery-extortion and graft and corruption sina Senior Insp. Rommel Geneblazo, hepe ng MPD-Ancar, at kanyang mga tauhan na sina Senior Police Officers 1 Gerrardo Rivera, Michael Dingding, Jay Perturbos, Jonathan Moreno, Rodel Maligon and Police Officers 2 Renato Lachinang at Marvin dela Cruz.
Ang nakahihiya, habang ginagawa ng mga pulis ang krimen, kasalukuyan namang nagsasalita si MPD Dir. Rolando Asuncion sa programa ni Tina Monson Palma sa ANC at ipinagyayabang ang umano’y pagbaba ng insidente ng krimen noong Hunyo na kinasasangkutan ng mga kagawad ng MPD, kompara noong nakaraang Marso.
Parang inamin na rin ni Asuncion na kombinsido siyang talamak na ‘kalakaran’ sa Maynila ang insidente ng krimen na kinasasangkutan ng mga kagawad ng MPD.
Kundi pa si Asuncion ang nagsabi ay hindi natin malalaman na mayroon na palang datos ang MPD kung tumataas o bumababa ang krimen na dati ay barometro na ginagamit lamang sa mga kriminal at lumalabag sa batas.
Ibig sabihin ni Asuncion ay hindi na dapat ikagulat at ikabahala ang talamak na panghuhulidap ng kanyang mga tauhan sa tourist belt area sa mga dayuhan habang suot ang kanilang uniporme.
‘THIEVES AND ROBBERS’
BAGONG UNIT SA MPD?
NOONG Hulyo 18, 2014, nagreklamo sa MPD si Handa Makasaaki, 41, isang turistang Hapon dahil naging biktima siya ng hulidap sa harap mismo ng Station 5 sa Ermita, Manila.
Hindi pa kasama rito ang panghuhulidap sa isang Korean national na matapos magtapon ng upos ng sigarilyo ay biniktima rin ng hulidap at isinakay sa nakaparadang sasakyan sa harap mismo ng presinto.
Sa ulat ng Gulf News noong Enero, tinatayang may isa hanggang dalawang kaso ng hulidap ang nangyayari sa Ermita district kada araw.
Katunayan, mismong si Saudi Arabian Ambassador to the Philippines Abdullah Al Hassan ay nagsumbong kay ousted president at convicted plunderer Erap Estrada na dalawang Saudi nationals ang naging biktima ng hulidap sa Ermita.
Lumalabas na balewala lang kay Erap ang sumbong ni Hassan dahil patuloy ang mga kaso ng hulidap sa Maynila.
DQ NI ERAP SA SC INUUPUAN,
CJ SERENO NAMUMULITIKA?
ISA pa itong si Supreme Court (SC) Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na nagsabing, “WE are enablers. We are not obstructionists… This is about human lives being made better.”
‘Yan ang walang kagatol-gatol na pinakawalang talumpati ni Sereno sa paglulunsad ng Continuous Trial System, sa halip na tatlo hanggang limang taon, magiging 90 araw hanggang tatlong buwan na lang raw ang paglilitis sa isang kaso, batay sa bagong sistema.
Hindi ba pamomolitikang maliwanag ‘yan dahil talaga namang 90 days ang nasasaad sa RULES OF COURT para tapusin ng hukuman ang mga kasong kriminal?
Maganda at mahusay na sistema iyan lalo na kung ito’y magsisimulang mangyayari sa kanyang bakuran – sa Korte Suprema.
Kung tunay ang hangarin ni CJ Sereno na ipairal ang “rule of law,” bakit nahihimbing sa kanilang bakuran ang disqualification case ni Erap?
Nagka-amnesia ba ang mga mahistrado o sadyang patay-mali lang sila sa disqualification case ni Erap, pero maagap na nagpasya sa ibang election related cases, isa na ang kaso ng anak ni Associate Justice Prisbeterio Velasco na minadaling desisyonan?
Pinatalsik si Sandiganbayan Associate Justice Gregory Ong dahil nakipagkita kay Napoles habang may kaso sa Sandiganbayan, pero tahimik ang Kataas-taasang Hukuman sa napabalitang pagpunta ni SC Spokesman Theodore Te sa bahay ni Erap sa San Juan City noong Setyembre 14.
Bakit hindi interesado si CJ Sereno na uriratin o kuwestiyonin kung ano ang kaugnayan ng kanyang mouthpiece kay Atty. Wryan Martin Te, ang deputy administrator ni Erap sa Manila city hall?
Sinibak si Ong dahil tumanggap ng lagay kay Napoles, pero hindi isinama ni SC Associate justice Marvic Leonen na kasuhan ang judiciary fixer at influence peddler na si Arlene Lerma Angeles o Ma’am Arlene sa kaso ng panunuhol sa mga hukom.
Totoo nga kayang pati ang SC ay hindi na mapagkakatiwalaan ng mamamayan?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
Percy Lapid