ZAMBOANGA CITY – Kumalat sa internet ang sinasabing sulat na ipinadala ng bandidong Abu Sayyaf group (ASG) sa website ng worldanalysis.net na nakasaad ang pagbabanta ng grupong pupugutan nila ang isa sa dalawang German national na bihag nila ngayon kung hindi ibibigay ang kanilang kahilingan.
Lumalabas ang pangalan ng isang Abu Rami sa nasabing sulat at nakasaad dito ang unang kahilingan ng mga bandido na P250 milyon ransom money kapalit nang ligtas na kalayaan ng mga bihag na sina Stefan Viktor Okonek, 71, at Herike Diesen, 55.
Habang ang pangalawang demand ng mga bandido ay tigilan na ang lahat ng suporta na ibinibigay ng gobyerno ng bansang Germany sa mas lalong tumitinding operasyon ngayon ng America laban sa grupo ng Islamic State (IS).
Kasama rin sa ipinadalang sulat ng ASG ang tatlong mga larawan na makikita ang dalawang banyaga kasama ang mga armadong bandido.
Nagbigay ng ultimatum ang mga bandido hanggang sa Oktubre 10 at kung hindi pagbibigyan ang kanilang kahilingan ay pupugutan nila ang isa sa mga biktima.
Ang mga biktima ay pinaniniwalaang dinukot ng armadong grupo sa karagatan ng Palawan partikular sa Rio Tubbataha habang sakay ng kanilang yate nitong Abril.
Grupo ni ASG Commander Jihad Susukan ang itinuturong responsabe sa pagdukot sa mga biktima.