MARAMING dapat sagutin at ipaliwanag si Chief PNP, Alan Purisima, sa kanyang pagbalik sa bansa mula sa umano’y pagdalo niya sa seminar sa Columbia.
Una, kailangan niyang sagutin ang isinampang kasong plunder, graft and corruption at indirect bribery na isinampa ng isang grupo.
Pangalawa, ang mga kuwestiyonableng ari-arian na hindi nakatala sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
At pangatlo, ang P25-million ‘White House’ na tanggapan ng Chief PNP sa Camp Crame sa Quezon City na umano’y mula sa donasyon ng kanyang mga kaibigan. Pero hindi n’ya matukoy kung sino-sinong mga kaibigan ang nag-donate nito.
Si Purisima, ayon sa grupong Coalition of Filipino Consumers, ay nagmamay-ari umano ng maraming farm sa Nueva Ecija, mga mansion at condo units sa Metro Manila.
Sa kanyang SALN na isinumite sa Civil Service Commission (CSC) na inihalo pa sa mga mababa ang rangko na pulis, nakatala lamang ang kanyang bahay sa Nueva Ecija, condo sa Caloocan at Quezon City pero walang eksaktong address.
Ayon kay CSC Chairman Dr. Francisco Duque, dapat nakasaad ang eksaktong address ng ari-arian, hindi ‘yung pangalan lamang ng lungsod o probinsiya.
Ibig sabihin ay may malaking problema na rito si Purisima.
Ayon naman kay BIR Commissioner Kim Henares, kapag hindi tugma ang kita ng isang gov’t official o employee sa dami ng kanyang mga nakamit na ari-arian bago siya pumasok sa gobyerno, ito’y subject ng lifestyle check.
Anyway, tingnan natin kung ano ang magiging paliwanag rito ni Purisima sa kanyang pagdating.
Napakahirap kasing hagilapin o kapanayamin si Purisima. Hindi siya nagsasalita o humaharap sa media. Laging ang kanyang spokesman lamang na si C/Supt. Reuben Teodore Sindac ang nagpapaliwanag.
Take note: Si Atty. Renato Corona ay na-impeach sa pagka-Chief Justice dahil lang sa umano’y pagsisinungaling sa kanyang SALN.
Resign na, Mr. Chief PNP!
Malokong pedicab driver
sa Divisoria
– Report ko lang mga pedicab driver ng Divisoria. Nanghuhulidap sila ng pasahero. Pag nando’n ka sa Divisoria, aalukin ka ng sakay na P40. Pagdating sa Recto, pagbaba mo mag-iiba ang singil sa P40 kundi P240 na. Marami na po ako nasaksihan araw-araw pa. Kawawa ang pasahero, napipilitan magbigay sa takot na mapaaway sa trike driver. – 09215595…
(Totoo ito. Marami na akong narinig na ganitong reklamo. Hindi lang pedicab ang gumagawa nito maging ang kuliglig. Dapat d’yan, bago sumakay ay linawin ninyong maigi sa pedicab o kuliglig driver ang talagang singil nila papunta sa inyong destinasyon. Ngayon, kapag niyari kayo, isuplong n’yo sa pulis ang gagong driver!)
Reklamo vs NLRC-DoLE
sa San Fernando, Pampanga
– Mr. Venancio, dati po ako employee ng Hilltop Drive Inn Hotel na naka-base sa Clark, Angeles, Pampanga. Sa kasalukuyan po ay naka-file na kami ng kaso sa NLRC ng San Fernando. Ang daming violations ng Hilltop Drive Inn Hotel sa amin like underpayment of wages – P200 per 12 hrs po sahod namin na dapat ay P325/8 hrs. Nagkaron po kami ng 2x conference sa DoLE sa San Fernando last Sept. 2 at 16. Pero hindi po sumunod ang management namin na i-compute lahat ng underpayment namin, bagkus binabayaran lang ng P10K. Halata po na nagapang ng management namin ang DoLE. Kasi dedma lang po sila nung Sept. 16 na walang nailatag na total computation ang Sec ng Hilltop Hotel. Ang officer po ng DoLE na nakausap namin ay si Au Laxamana, pero nung Sept. 16 hindi na po siya ang humarap sa amin, ibang tao na po. Pano po kami makasisiguro na sa pag-file namin ng kaso sa NLRC ay hindi na kayang bayaran ng management? Salamat po. God bless
(Kabayang DoLE Asec. Nicon Famironag, paki-check lang po ng detalyeng ito, Sir! Baka uso na nga ang bentahan ng kaso d’yan sa DoLE Pampanga?)
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio