NAG-INHIBIT na si Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 271 Judge Paz Esperanza Cortes sa kasong serious illegal detention na isinampa ng aktor na si Vhong Navarro laban kina Deniece Cornejo, Cedric Lee at Zimmer Raz.
Ito’y bilang tugon sa motion for inhibition na inihain ng kampo ng aktor makaraan aprobahan ni Cortes ang tig-P500,000 piyansa ng mga akusado kaya pansamantala nang nakalaya ang tatlo.
Ayon kay Howard Calleja, abogado nina Lee at Raz, inirerespeto nila ang desisyon ni Cortes at nakaantabay sila sa bagong hukom sa kaso.
Habang sinabi ni Atty. Trian Lawang, kinatawan ni Ferdinand Topacio na abogado ni Cornejo, epektibo pa rin ang piyansang inaprubahan ni Cortes para sa tatlong akusado.
Nagpasaring si Lawang sa pagsasabing tila mga hurado sa noontime show na “It’s Showtime” ang gustong maging judge ng kampo ni Navarro.
Inihayag ni Atty. Alma Mallonga, abogado ng aktor, hindi sila namemersonal sabay giit na matibay ang kanilang kaso laban sa mga akusado. (JAJA GARCIA)