ISANG panalo lang ang kailangang maitala ng Ateneo Blue Eagles kontra National University Bulldogs upang makabalik sa championshio round ng 77th UAAP men’s basketball tournament.
At iyon ang pilit nilang susungkitin mamayang 4 pm sa pagsisimula ng Final Four sa Smart Araneta coliseum sa Quezon City.
Ang Blue Eagles, na nagtapos sa unang puwesto sa elims sa record na 11-3, ay may twice-to-beat advantage kontra sa Bulldogs na pumang-apat matapos na maungusan ang University of the East Red Warriors, 51-49 sa isang playoff.
Subalit hindi nakakatiyak ang Blue Eagles na magiging madali ang kanilang misyong makabalik sa championship round lalo’t hindi pa naman nila tinatalo ang Bulldogs sa season na ito.
Ang Bulldogs ni coach Eric Altamirano ang siyang nagpalasap sa Blue Eagles ng dalawa sa tatlong kabiguang sinapit nila sa elims.
Tinalo ng NU ang Ateneo, 64-60 noong Hulyo 26. Nakaulit sila sa mas convincing na paraan, 76-66 noong Agosto 24.
Pangunahing sandata ng NU ang sentrong si Alfred Aroga dahil mahihirapan ang Ateneo na pigilan ito sa shaded area.
Ang iba pang inaasahan ni Altamirano ay sina Troy Rosario, Glenn Khobuntin at Joshua Alolino.
Ang Blue Eafes ay pinamumunuan ni Keifer Ravena na nakatakdang parangalan ng UAAP bilang Most Valuable Player bago mag-umpisa ang laro.
Si Ravena ay sinusuportahan nina Chris Newsome, Von Pesumal at Alfonso Gotladera.
Ang magwawagi sa duwelo ng Ateneo at NU ay makakalaban ng mananalo sa kabilang semifinals match sa pagitan ng Far Eastern University Tamaraws at La Salle Green Archers sa Best-of-three championship round.
(SABRINA PASCUA)