NAGPALABAS ng Executive Order (EO) si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III para maibsan ang problema sa port congestion.
Sa ilalim ng EO No. 172, itinalaga ni Aquino ang Port of Batangas at Subic Bay Freeport bilang extension ng Port of Manila. Maaaring gamitin ang dalawang pier kung may port congestion o emergency sa Maynila katulad ng kalamidad o strikes.
Ang kalihim ng Department of Transportation and Communications (DoTC) ang magdedeklara kung may port congestion o emergency para gamitin ang port extensions.
Oras na ideklara ito, maaaring sa Port of Batangas at Subic Bay Freeport na dumaong ang foreign vessel na sa Port of Manila dapat ang destinasyon.
Susundin ng foreign vessels ang mga patakaran sa Port of Batangas at Subic Bay Freeport kung dadaong ang mga ito roon.
Ang kalihim din ng DoTC ang tutukoy kung naibsan na ang congestion o nagbalik-normal na ang sitwasyon sa Port of Manila para itigil ang paggamit sa port extensions.
(ROSE NOVENARIO)