Malakas naman siguro ang loob ng network na tawagin siyang “drama king” after all talaga namang mahusay na actor si Dennis. Kahit na sabihin mong minsan nasusuot siya sa kung ano-anong controversy sa kanyang buhay, alisin mo iyong mga bagay na personal, sasabihin mong siya ay isang mahusay na actor talaga.
To be honest about it, nakumbinsi kami ni Dennis na isa siyang mahusay na actor matapos naming mapanood ang isang pelikulang ginawa niya noon, kasama si Judy Ann Santos at iyon ang unang pagkakataon na napanood namin siya sa isang pelikula. Iyan kasing TV, hindi mo talaga masasabing batayan ng mahusay na acting, dahil alam naman natin na iyang mga seryeng iyan ay ginagawa ng mabilisan, at kung minsan inaabot sila hanggang madaling araw. Natural kung exhausted na ang artista, ano mang galing niya, bawas na ang makikita mo.
Talagang makikita mo iyong tunay na acting kung pelikula iyan. Kung sa bagay, maski naman sa TV lalabas iyan, iyon nga lang hindi mo masasabing solid talaga ang acting sa telebisyon.
Siguro nga riyan sa kanilang network, kung ang titingnan mo ay ang mga present talent nila, masasabi mong si Dennis na nga ang puwede nilang tawaging “drama king”. After all, sa lahat sa kanila siya ang masasabi mong may napatunayan na talaga.
Hindi lahat ng ginawa niyang serye ay hit. Hindi rin lahat ng seryeng ginawa niya ay napapanood namin. May isa siyang serye na hindi namin pinanood at hindi rin namin inendoso dahil nga siguro sa aming ibang paniniwala tungkol sa subject ng seryeng iyon, pero generally mahusay naman ang mga ginagawa niyang proyekto, at napatutunayan naman niya ang kanyang pagiging actor.
Pero para kay Dennis nga, may title man o wala, pareho lang sa kanya iyon.