PINABULAANAN nung isang araw ng sikat na aktor na si Daniel Padilla ang ulat na lumabas na lalaro raw siya sa AMA Computer University sa PBA D League Aspirants Cup.
Napili ng AMA si Padilla bilang ika-15 na pick sa rookie draft ng D League noong Lunes dahil siya’y nag-aaral sa nasabing pamantasan, bukod sa kanyang pagiging endorser nito.
“Siyempre po gusto ko maglaro for PBA pero hindi po totoo ang balita,” simpleng pahayag ni Padilla sa website na Philippine Entertainment Portal.
Naunang sinabi ng coach ng AMA na si Mark Herrera sa panayam ng PTV 4 na ilang mga opisyal ng pamantasan ang kumausap sa ina ni Padilla na si Karla Estrada, pati na rin ang manager ng aktor, tungkol sa paglalaro nito sa nasabing koponan.
Ngunit inamin din ni Herrera na wala pang senyales ang ABS-CBN kung papayagan nitong maglaro si Padilla sa liga.
Ayon sa tournament director ng PBA D League na si Eric Castro, puwede namang maglaro si Padilla sa AMA dahil nag-aaral siya roon bilang freshman sa kursong Information Technology.
May plano noon ang isa pang aktor ng ABS-CBN na si Gerald Anderson na maglaro para sa North Luzon Expressway sa PBA D League ngunit hindi ito natuloy dahil hindi nga siya pinayagan ng nasabing istasyon.
(James Ty III)