DESPERADONG makalusot sa kinasasangkutan na mga kasong carnapping at pagbebenta ng chop-chop vehicles, inakusahan ng mag-amo ang walong kagawad ng Quezon City Police District (QCPD) na dumakip sa kanila noong nakalipas na Enero.
Ito ang nakasaad sa isinumiteng report ni QCPD Anti-Carnapping Section chief Senior Inspector Rolando Lorenzo, Jr., kay QCPD Director, Chief Supt. Richard Albano, matapos iulat ng programang TV Patrol nitong Biyernes ang reklamo na hinulidap umano niya at ng kanyang pitong tauhan ang mga suspect sa carnapping case at anti-fencing law na sina Dandy Salumbides Vizcarra a.k.a. Aries at Honie Venus Fernandez a.k.a. Juno.
Ani Lorenzo, dinakip ng kanyang grupo si Aries noong Enero 31 (2014) sa isang entrapment operation, habang ilegal na nagbebenta ng spare parts ng sasakyan sa Banawe St., Quezon City at itinuro ang kanyang among si Juno bilang may-ari ng garahe sa Las Piñas City.
Sa nasabing garahe mayroon limang sasakyan na hinihinalang ‘kinarne na’ ang spare parts, maging ang isang Mitsubishi Montero na kinarnap sa biktimang si Analyn Santos sa tabi ng Heritage Hotel sa Roxas Blvd., Pasay City noong Enero 26.
Dahil dito, sinampahan ng QCPD-ANCAR section ng mga kasong carnapping at paglabag sa Anti-Fencing Law, falsification of public documents at obstruction of justice.
Nabatid na si Juno ay may nakabinbing warrant of arrest mula Mayo 15 sa mga kasong carnapping sa Branch 197 Las Piñas Regional Trial Court at Manila Regional Trial Court Branch 34 at para sa apat na kaso ng estafa sa Pasay City Regional Trial Court sa Pasay City.
Pinabulaanan din ni Lorenzo ang bintang ng mag-amo na tinangka nilang mangikil ng P400,000 kapalit ng paglaya ni Aries dahil kasama niya ang kanyang abogado nang humarap sa mga pulis.
Wala rin medical certificate na magpapatunay sa alegasyon ni Aries na tinortyur siya habang nasa kustodiya ng mga pulis.
“The fact that the legitimate operation on issue was done eight (8) months ago and it is only now that they are talking about it in the media, is a clear manifestation that the claims and allegations are merely reprisals from a confirmed carnapping element and also a desperate attempt to discredit this office that exposed their illicit activities and to extricate themselves from prosecution of the crimes they are perpetrating,” ani Lorenzo. (HNT)