LEGAZPI CITY – Patuloy na inililikas ang mga residente sa Albay bunsod nang nalalapit na pagsabog ng Bulkang Mayon.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan ang sapat na suplay ng relief goods sa mga apektadong residente habang nananatili sila sa evacuation centers.
Bagama’t hirap ang mga matatanda, may-edad at mga bata, mas pinili nilang lumikas dahil sa takot sa bulkan.
Ayon sa health authorities, wala dapat na ipag-alala ang evacuees sa kanilang kalusugan dahil maglalagay sila ng 24/7 health desk o station sa evacuation centers para magbigay ng kaukulang assistance para sa sino mang nangangailangan ng tulong medikal.
Sa latest na talaan ng Albay Public Safety ang Emergency Management Office (APSEMO), aabot na 22,000 katao o 4,200 pamilya ang kabuuang bilang ng mga nasa evacuation centers at patuloy pa itong tumataas.
Ang evacuees ay mula sa itinuturing na “critical areas” sa palibot ng bulkan gaya ng bayan ng Guinobatan, Camalig, Ligao, Malilipot, Daraga gayundin sa lungsod ng Legazpi at Tabaco.