CEBU CITY – Naputol ang ulo ng isang sanggol habang iniluluwal sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa lungsod ng Cebu.
Ayon kay Renjie Toreon, ama ng sanggol, hindi agad ipinaalam ng mga doktor at staff ng nasabing ospital ang naturang insidente habang naghihintay siya sa waiting area.
Aniya, pasado 4 a.m. niya inihatid ang kanyang asawa na si Antoniette Torreon sa nasabing ospital ngunit 6 p.m. nang kanyang mabatid na patay na ang kanyang anak nang ipatawag siya sa information desk para ipakuha ang death certificate at labi ng anak sa morgue.
Ipinagtataka rin ng ama na ibang doktor ang umasikaso sa kanyang misis.
Ang kahina-hinala aniya ang pwersahang paghilot sa tiyan ng kanyang misis at may narinig siyang parang “crack.”
Inilarawan din ni Renjie na tila balat na lang ng bata ang nagdudugtong sa ulo at katawan ng paslit.
Sa ngayon, hinihintay ng pamilyang Torreon ang resulta ng awtopsiya sa bata.
Nanindigan ang ama na desidido siyang magsampa ng kaso kung mapatunayan ang pagkukulang ng mga doktor at staff sa naging sanhi ng pagkamatay ng kanyang unang sanggol.