DALAWANG magkasunod na Martes na ini-expose ng kolum na ito ang pagkalat ng mga “pergalan” (perya na may halong sugalan) sa Cavite, Batangas at Quezon.
Habang naghihintay tayo ng aksiyon mula sa pulisya, talakayin natin ang ulat ng isang tagasubaybay ng Firing Line. Nag-email siya upang ireklamo ang mga pergalan sa Maynila at sa Rizal.
Ayon sa nag-ulat, hindi lang sa probinsiya nagkalat ang mga pergalan. Mayroon daw matatagpuan sa Maynila, tulad ng puwesto sa Batang Paraiso na malapit sa Manila Zoo sa Malate.
Tapos na raw ang piyesta sa lugar ngunit tuloy pa rin ang peryahan na may halong sugal na “color game” at “drop ball.” Isang alias Roy Atienza raw ang may-ari ng pergalan.
Dapat lang na ipatigil ito ni Chief Superintendent Rolando Asuncion, ang hepe ng Manila Police District (MPD), na napakalapit sa Manila Zoo.
General Asuncion, ‘di kaya sobrang nalilibang ang mga pulis mo sa MPD Station 9 sa pagtanaw sa mga hayop na nakakulong sa Zoo kaya hindi nila napapansin ang pasugalan?
Pakihuli lang po ang mga nagpapasugal at ikulong din sa Zoo… este sa piitan ng iyong presinto.
***
Sinabi rin ng ating tagasubaybay na nagrereklamo ang kanyang mga kaanak dahil kahit tapos na ang piyesta sa Montalban, Rizal ay tuloy pa rin ang color game at bingguhan.
Ayon pa sa kanya, dalawang barangay ang may puwesto piho. Ito ay sa San Isidro, na pag-aari ng isang alyas “Jeff Garing,” at sa Urban, na ang operator naman ay ang ina ni Garing na si Rose David.
Itong Rose David ay isa lang alyas na ginagamit para raw hindi mahalata na mag-ina ang may ari ng mga pergalan.
“Tapos na po ang fiesta diyan sa Urban at San Isidro at inaabot pa po ng madaling araw ang sugal, kaya po ang mga tao dun, pati mga kabataan, lulong na sa sugal,” aniya.
“Okay lang naman ang perya kung walang sugal kasi mga kabataan ang nagpupunta sa sugalan,” katwiran niya.
Ang color game raw ay matatagpuan sa terminal ng mga tricycle.
Senior Superintendent Bernabe Balba, Rizal police director, hindi po dapat na konsintihin ito.
Dapat lang po itong mapatigil. Paki-aksiyonan lang po!
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.